Sunday, November 09, 2008

Tikwal on TV

Tikwal pala ang tawag d'un. Napanood ko isang gabi sa TV Patrol. Tikwal pala ang pasuray-suray na pagmamaneho na ginagawa ng mga tsuper ng mga patok na dyip. At ang ganitong mala-"Tokyo Drift" na pagmamaneho ay popular na pati sa YouTube kung saan nakuha ng TV Patrol ang clips na kanilang ipinalabas sa telebisyon.

Napanood ko na rin ito sa YouTube, pero wala pa rin itong sinabi sa aktuwal na pagsakay sa isang patok na tumitikwal. Akala ko talaga e mamamatay na ako noong gabing naranasan ko iyon.

Sa aking panonood ng videos ng tikwal sa YouTube, binasa ko rin ang mga komento ng mga taong nakapanood na. Bukod sa iilang entry na pumupuri sa "sining ng tikwal," halos iisa lang ang sentimiyento ng mga taong nag-iwan ng komento: jologs at iskwater ang mga tsuper ng mga tumitikwal na dyip.

Obviously, tutol ang mga taong ito sa pagtitikwal. At bilang isang nilalang na pinagdaanan na ang karanasang ito, hindi ko masisisi ang mga taong tutol rito. Ang aking tinutulan lamang ay ang malabis na paghahamak sa mga tsuper bilang iskwater at jologs. Pusta ko, hindi ganito ang magiging kumento sa mga drag racers at drifters na gumagamit rin sa ating mga pampublikong lansangan nang walang pahintulot sa mga kinauukulan. Marahil, para sa ilan, cool sila. Marahil, para sa ilan, tutol rin sila sa ganitong iligal na gawain. Pero duda akong tatawagin silang jologs o iskwater. Hindi naman kasi pampasaherong dyip ang kanilang dala-dala.

Anu't anupaman, nauuwi pa rin ang usapan sa di pagkakapantay-pantay ng mga uri. May mga mga tarantadong burgis at sosyal. At may mga tarantadong lumpen at jologs.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home