Monday, January 26, 2009

Pagninilay-nilay ng isang Pamilyang Petty-Burgis, Part 1

Hanggang ngayon, naniniwala ako na ang tanging solusyon sa lumalalang trapik sa Kamaynilaan ay wala sa pagpapagawa ng marami at malalapad pang kalsada, o sa pagpapadisiplina sa mga diumanong bastos sa tsuper, o sa paglalagay ng mas marami pang U-turn slots (Haller???), kundi nasa pagbabawas sa dami ng sasakyan. Dapat magkaroon ng disincentive hindi lang sa pagbili kundi sa mismong pagmamay-ari ng sariling sasakyan. At magagawa ito sa pamamagitan ng pagsasaayos ng pampublikong transportasyon. Pero ang tanong, papayag ba ang sektor na "pinakamaingay" sa lahat: ang "karaniwang" middle class na taga-Maynila?

Isa akong tipikal na peti-burgis na lumaki sa Metro Manila. Hindi ako nangarap na magkaroon ng sariling kotse. Ganito ang aking pananaw siguro dahil nagkaroon lang ang pamilya ko ng kotse noong 13 anyos na ako. Nasanay akong magdyip, at itinuring kong malaking ginhawa ang magtaksi pauwi sa bahay. Kahit sa aking pagtanda, ganang akin, mas okey pa rin ang magkomyut. Pero ngayon na mayroon na akong asawa at anak, at kotseng nagagamit sa pang-araw-araw, napapaisip ako.

Hahayaan ko ba ang aking sanggol na anak na wala pang dalawang buwan at asawang kapapanganak lamang na sumakay ng taksi? Ordinary bus?

O dyip???

Tila baga mayroong sumisigaw sa harap ng mukha ko at nagsasabing: "Sige nga, i-apply mo yang ideal urban plan ek-ek mo sa iyong mag-ina! Tingnan natin kung makatagal ka!" At lalong lumalakas ang mga sigaw habang nasa likod ako ng manibela...

0 Comments:

Post a Comment

<< Home