Monday, January 31, 2005

Bago Manood ng TV

(Pasasalamat ang ipinaaabot ko sa aking utol na si Mel na siyang naging kadiskurso ko sa paksang ito. Hindi ito magagawa nang wala ang kanyang tulong.)

Isa sa mga pinaka-panggagong AMA joke na narinig ko yung tungkol sa relo. (Sa mga pakunwaring inosente, AMA jokes yung mga patawang pinaghahambing ang sinasabing kultura sa mga kilalang paaralan sa Maynila. Tapos, laging punchline ang eskwelahan ng AMA. Madalas silang ipamukhang mahirap, jologs, at bobo. Isang larawan ng elitista at burgis na kultura ang mga AMA jokes, but that’s another story.) Ang relo daw ng mga taga-AMA e hindi Tag Hueur, Swatch, o Seiko kundi yung orasan ng Channel 9.

Pero hindi lang mga taga-AMA ang gumagamit ng orasan ng Channel 9. Noong hayskul ako sa Ateneo, naka-synchronize rin doon ang oras sa eskwela. (Sino ngayon ang mga jologs?) Akalain mo…nakabatay sa TV ang oras.

Pero hindi malayong ganoon nga. Hindi nga ba’t inuurong o binibilisan natin ang ating mga gawain kapag mayroon tayong programang inaabangan sa TV? (And I have to admit, hindi ako nakakaaral dahil sa Lovers in Paris.). TV ang nagsasabi kung anong oras at kung gaano kahaba ang agahan (Magandang Umaga Bayan at Unang Hirit), tanghalian (Eat Bulaga at MTB), at hapunan (TV Patrol World at 24 Oras).

Kung inyong maalala, mga early 90s, may istandard rin dati pagdating sa primetime TV. Alas-6 ng gabi ang oras ng balita (TV Patrol days kung kailan magkasama pa sina Noli de Castro, Mel Tiangco, Frankie Evangelista, at Angelique Lazo). Pagkatapos ng TV Patrol, dalawang bagay lang ang aasahan mong ipalalabas: sitcom (Palibahasa Lalaki o Ober Da Bakod) na susundan ng drama (Maricel Drama Anthology) o pelikula (Regal Presents o Viva Sinerama). At pagdating ng alas-10, balita na dapat ulit. Ibig sabihin, si Angelo Castro Jr. o si Tina Monzon-Palma na ang laman ng TV. Pagkatapos niyan, mga investigative o political talk shows na ang moda. Sa ganitong oras naman gising ang mga peti-burgis na tatay.

And then, Judy-Anne Santos changed the course of history (apart from winning for Jamby Madrigal a Senate seat). Noong una, nasa (excuse me for the very rude terminology) “katulong timeslot” ang kanyang Mara Clara. Ito yung oras matapos ang mga noontime show na puro tsimis at soap opera (Remember Cristy Per Minute and Anna Luna?). Pero dahil sa sobrang taas ng ratings, inilagay ito sa primetime pagkatapos ng 6pm news. E yun nga lang, nag-klik ang ginawa ng Dos kaya naman hindi sila nakontento sa isang soap opera para sa primetime. Sa simula, ginawang dalawa (Eto yung panahon ng promo na “Mula sa Puso ni Esperanza”). Ngayon, umaabot na ito sa puntong istandard na sa Dos at Siyete ang tig-apat na 30-min telenovela.

At siyempre, ano ang consequence? Umurong nang umurong ang palabas sa primetime. Ngayon alas-10 na ang oras ng mga sitcom at pelikula. At halos hatinggabi na ang balita sa gabi. (Kawawang Bernadette Sembrano. Gising mula Insider hanggang Magandang Umaga Bayan…to think na kasama niya sa parehong palabas si Erwin Tulfo. Double the horror!)

Habang patuloy ang pag-urong ng oras sa gabi, ganito rin ang nangyayari sa umaga. Simula sa Alas-Singko y Media ng Dos, tinapatan naman ng Siyete ng Unang Hirit na alas-5 nagsisimula. Ayan tuloy, kinailangang palitan ang pangalan ng Alas-Singko y Media at ginawang Magandang Umaga Bayan. Pag nagtuloy-tuloy ito, magpapang-abot ang mga palabas sa madaling araw.

Pansinin: hindi na nga naglalagay ng oras ang Dos at Siyete. Hindi nila nilalagay ang oras ng Lovers in Paris o Krystala. Laging merong reference sa ibang palabas. Hindi nila sasabihing: Panoorin ang Lovers in Paris ganap na ika-10 ng gabi. Laging: Panoorin ang Lovers in Paris pagkatapos ng Star Circle Quest. Hindi na mga numero ang tanda ng oras kundi mga tiyak na palabas.

O e ano ngayon kung kontrolado na ng telebisyon ang oras nating mga Pilipino? Well, at least, in the near future, kapag ginabi ako ng uwi sa bahay, puwede kong idahilan na telenovela pa lang ang palabas sa TV. Siguro mga alas-dos na yun ng madaling araw.

Saturday, January 22, 2005

Pagiging Diyos

Pakiramdam ko, isa akong diyos sa pagkakaroon ng bagong kapatid. (Sa mga di nakaaalam, opo, nanganak po ang aking ina noong ika-21 ng Nobyembre 2004. Ma. Pauline Domingo Pante. At opo, 20 taon ang aming pagitan.) Parang kaya kong ayusin ang mga bagay-bagay sa buhay ng aking kapatid upang lumaki siya ayon sa nais ko.

Ito yung mga tipong: pababasahin ko na agad siya ng kasaysayan ni Constantino at Agoncillo para di na niya daanan si Zaide. O di kaya, pagdating niya sa hayskul, ibababad ko na siya sa mga akda ni Marx at mga himig ng Rage Against the Machine para astig. Tapos, sisiguruhin kong matututo siyang sumakay ng dyip, kumain ng tuyo, at maglinis ng kubeta para di siya lumaking coño. At siyempre: kuya ang itatawag niya sa akin. wala siyang mommy at daddy dahil ang meron siya, nanay at tatay.

Ganoon din naman yata ang nangyayari sa mga magulang. Hinuhulma nila ang kanilang mga anak ayon sa kanilang ideyal na sarili; isang ideyal na maaaring hindi nila naabot noong bata sila o ideyal na, tingin nila, naabot nila. Pangarap ng ama na maging basketball player pero dahil kulang sa height, iniaatas sa anak ang di nakamit na layunin. Ganito rin ang kaso sa mga self-proclaimed success stories; mga abugadong de-kampanilya na pinipilit sumunod sa yapak ang kanilang anak. Dito rin papasok ang mga pang-telenovela na: "hindi daranasin ng anak ko ang pagiging mahirap."

...so, parang isang malaking proyekto ang isang bata - ala Frankenstein at ang kanyang nilikhang halimaw. Kaya siguro maraming anak na halimaw, este, rebelde. Tsk, tsk.

Friday, January 07, 2005

Bagong Taon, Bagong Pagkakaabalahan

Dati, kapag tinatanong ako ng aking mga kaibigan kung bakit wala akong blog, simple lang ang aking sagot: "Wala akong oras, eh." Tambak na ang trabaho sa bahay, skwela, at mga organisasyon, dadagdagan ko pa.

Pero heto ako ngayon, naghahain ng unang post para sa mga ususerong naglipana sa pandaigdigang kasaputan ng Internet (...kung meron mang nagbabasa ng blog kong ito.).

Sige, bahala na. Susubukin ko na lang gawing drive ito upang pagbutihin at gawin sa tamang oras ang aking mga obligasyon. Tsaka, wala kasing mapagbuhusan ng sama ng loob kaya sa blog na lang. Tama na, masyado nang madaldal. Yun lang.

(...baduy naman ng unang post ko.)