Isa sa mga matagal nang bansag sa mga Atenista ay ang pagiging apatetiko. Wala raw pakialam ang mga Arrneans. Bagaman at may katotohanan sa isang banda, hindi ko yata matatanggap ito nang ganun-ganun na lamang. Sa aking paningin, malaking salik pa rin ang kinalalagyang lipunan ng Atenista sa kanyang pagiging “apatetiko.”
Siyempre, alam na natin ang madalas tirahing punto ng kanyang pagiging mayaman. Dahil pag-uwi ng Atenista sa bahay, nasusunod ang kanyang bawat luho at hindi na niya kailangang kumilos. Tapos, nadadala niya ang ugaling ito sa paaralan. Pero hindi lang iyon, tingin ko. Hindi lang iyon.
Sangkot ang mismong kapaligiran at istruktura ng Ateneo sa phainomenon na ito.
May mga written at unwritten rules sa Ateneo na nagiging dahilan nito. Una na diyan ang residency. Kung sa UP, magtataka sa iyo ang mga tao kapag natapos ka on-time sa iyong kurso; sa Ateneo, isa yung expectation. Pagtatawanan ka pa siguro ng mga tao kapag nalaman nilang sosobra ka pa ng isang sem. Talaban ito ng isang written at unwritten rule. Written rule na mayroong maximum residency para sa mga Atenista. Limang taon para doon sa mga mayroong 4-yr course. Unwritten rule naman ang tuition na binabayaran. Dyusko! Maaatim mo bang magbayad pa ng singkuwenta mil kada sem na ilalabis mo?
Kaya naman, kung sa UP at ibang paaralan, merong mga nagtatagal sa pag-aaral para lang magtagal rin sa kanilang mga organisasyon (May joke nga na ang LFS daw ay hindi League of Filipino Students kundi League of Forever Students.), hinding-hindi mo naman iyan pwedeng gawin sa Ateneo. Ang org tuloy sa Ateneo, sa aking palagay, hindi kasing kinakareer kaysa sa ibang paaralan (pangit ng pagkakasabi). Lubhang malayo ang pagpapahalaga ng mga Atenista sa academics kaysa sa org.
Batay sa isang mapagkakatiwalaang tsismis na aking nakalap, wala pa sa kalahati ng populasyon ang merong org o nasa student council o nasa varsity. E kung susuriin nga natin, marami na sa mga org sa Ateneo ang may acad aspects. Nandiyan ang mga home orgs para sa ibang kurso (isang bagay na hindi ko pa rin lubusang ma-gets after three years in college) at mga tutorials para sa iba’t ibang subjects. Mahigpit pa rin ang ugnayan ng academics sa extra-curricular, samantalang extra-curricular na nga dapat yun.
Nung nabanggit ko nga sa isang kaibigan kong taga-UP ang pag-iral ng tinatawag na activity hour sa Ateneo, nawindang siya. Hindi niya ma-take ang konsepto. Activity hour ang diumanong sacred hour para sa org activities. Hindi puwedeng magkaroon ng mga klase sa oras na ito. Activity hour ay tuwing Miyerkules at Biyernes 430-600 ng hapon. Ganoon kaikli.
At ang nakalulungkot pa nito, kinukuha na nga ng ibang teacher ang activity hour para gawing make-up class o di kaya para sa mga long test…pero halos walang estudyanteng umaangal upang igiit ang pagiging sagrado ng activity hour.
Kahit na sinasabi explicitly ng Ateneo na nais nitong pagyamanin ang kakayahan ng mga estudyante nito hindi lang sa aspetong pang-akademiko, kabaliktaran ang nagagawa nito. Panoptic ang puwersang nangagalaga sa kaayusang ito. Hindi man nakikita ng mga Atenista, nararamdaman ng bawat isa, at nararamdaman ko ang hindi makitang puwersang nagsasabing: nandito ka sa Ateneo upang mag-aral at makakuha ng trabaho pagkatapos.
At iyan ang puwersang dapat nating basagin.