Wednesday, March 30, 2005

Kahabaan at Kapitalismo

Gusto kong mapanood ang "Ebolusyon ng Isang Pamilyang Pilipino" ni Lav Diaz. Isang pelikula ito na tumatalakay sa pag-usad ng isang pesanteng pamilya sa panahon ng Batas Militar. Sampung oras ang pelikula. Sa haba nito, talagang tumanda na ang mga nagsiganap habang ginagawa ang pelikula - may ebolusyon talagang nagaganap.

'Di ko pa napapanood ang naunang pelikula ni Lav Diaz na "Batang West Side," na limang oras naman ang haba. At ang iba sa mga kakilala ko, nahabaan na sa West Side bagama't hindi itinanggi ang husay nito. Nang malaman nila na doble pa ang haba ng kasunod na proyekto ni Lav Diaz, may halong pagkadismaya ang kanilang reaksyon. Bakit? Dahil mahaba, bagama't napatunayan na rin naman ang husay ng direktor?

Ako ang nadidismaya sa ganitong pagtanggap. Paano ba natutukoy ang pagiging mahaba ng isang pelikula? Malamang, may batayan. At iyan ang Hollywood na siyang may hegemoniya sa industriya. Kadalasang pumapatak mula 90 hanggang 120 minuto ang mga produktong Hollywood. Kapag lagpas na roon, mahaba na iyan. Ambisyoso pa siguro. Kapag bitin naman, ilalagay iyan sa kategoryang "short film."

At halos simula't sapul, ganito na ang sukatang ginagamit. Ang mga sinaunang pelikula ay halos sinhaba lamang ng mga pelikula ngayon. Ibang-iba ito sa iba pang porma ng sining.

Ang awit at ang tula, sa kanilang orihinal na anyo, ay...hindi mo mawari. Mayroong mga "ubod ng haba" ("Epic proportions" ang katagang pumapasok sa isip) na parang Mahabharata at mga guni-guni ni Homer. Mayroon namang mga "ubod ng ikli" tulad ng ating mga bugtong.

Subalit sa paglipas ng panahon, (at sa pagpapalit ng moda ng produksyon) nababago ang "normal" na porma ng mga ito, hanggang sa umabot sa "homogenized size" nito sa panahon ng pandaigdigang sistema ng kapitalismo. Hindi ka maaaaring magkamali sa pagtantsa kung mas mahaba sa normal ang isang awit o tula. Bumatay lamang sa timer ng inyong CD player (Sino bang kamote ang nakaisip na ang isang karaniwang kanta ay dapat 3-5 minuto lamang?...Nagpapasalamat ako at mayroong mga bandang tulad ng Tool.) at sa una mong mahahagilap na lit folio.

Sa komodipikasyon ng kapitalismo, himulma ang mga likhang-sining "into bite-size pieces" upang mapadali ang proseso ng consumption. Dahil nasanay na tayo rito, mahirap na sa atin ang agad-agad lunukin ang mga lubhang malalaking tipak ng likhang-sining.

Kung sabagay, masakit sa mata ang sampung oras na pagtitig sa pinilakang tabing. But then again, may mga nakatatagal sa mga magdamagang pagkanta sa Pasyon.

Haaay....kaya tuloy hindi pinatutugtog ang Dream Theatre sa radyo kahit sa NU.

Sunday, March 27, 2005

Pasko ng Pagkabuhay at Pagka-bad-trip

At muling nabuhay ang blog na ito, matapos ang ilang linggong pagsasatanga.

* * *

Sa loob ng isang linggo, lilipad na ako papuntang Thailand. Doon ako mula ika-3 ng Abril hanggang ika-12 ng Mayo. Sa totoo lang, medyo malabo pa sa akin ang mga mangyayari at gagawin ko roon, pero sige lang. Pers taym ko pa man din ito na makalabas ng bansa.

At dahil pers taym na lalabas ng bansa, kailangang kumuha ng pasaporte sa unang pagkakataon, na siyang ginawa ko noong nakaraang linggo. Dyusko! Kung naghahanap kayo ng sakit sa ulo, pumunta lang kayo sa DFA (doon sa Libertad gate), at magpahalatang kukuha ng passport. Pihadong masisira ang araw ninyo.

Pagbabang-pagbaba ko pa lang sa dyip sa may Harrison (tatawid pa ako ng kalye para makarating sa gate ng DFA), may lumapit na agad na dalawang lalaki. Tinanong nila ako kung kukuha ako ng passport. Akala ko naman, mga kapwa ko rin aplikante na naghahanap lang ng kausap. But no, maya-maya, tinanong na rin nila kung may application form na ako at kung may lalakad na ng mga papeles ko. Haaay....fixer.

Ok, fine. Naranasan ko na rin naman ang mga ganyan sa LTO sa aking pagkuha noon ng lisensya sa pagmamaneho. Pero isa palang kakaibang karanasan ang pagkuha ng passport. Talagang kakaiba, at malayong-malayo.

Kung sa LTO, medyo pa-simple pa ang mga fixer, aba'y sa DFA, walang pagpapanggap ang mga ulupong. Mula Harrison hanggang gate, talagang binubulyawan nila ang mga tao na pumunta dito, kumuha ng ganyan, at kung anu-ano pa. Sila pa mismo ang uutos na gawin mo 'to, kahit na hindi ka naman nagpapa-fix. At may gana pang magalit kapag hindi ka sumunod.

Sinubukan kong dedmahin ang mga fixer, at nagtuluy-tuloy lang sa paglalakad. Pero y'ung isa talaga e, parang diyos na pinapipila ako sa isang stall. At dahil sa ayaw ko nang magkainitan pa dahil pikon na rin ako, pumila ako. Pagpila ko, sinabi ko sa tumatao sa stall (hindi ito y'ung diyos kanina) na nagpalakad ako sa isang agency. Aba'y walang panahon! Sa akin pa nagalit: bakit raw ako nakapila roon kung gayon?

Alas-syet(e) pa lang iyon ng umaga. Ang ibang ahensya ng gobyerno, magbubukas pa lang. Sa DFA, mahaba na ang pila, at nagsisiliparan na ang mga buwitre.

Alam naman nating hindi lahat ng Pinoy e ganyan. Pero para bagang sinadyang ilagay ang halos lahat ng buwisit sa DFA para, pagkuha mo ng passport at pagkaalis ng bansa, maisipan mo nang huwag bumalik.

Monday, March 07, 2005

Anarkistang Atenista

Bilang pagpapatuloy na rin sa aking huling post ukol sa pagiging "apatetiko" ng mga Atenista, nais kong pagtuunan ng pansin ang pulitika sa loob ng Loyola Schools. Sinasabing higit na makikita ang pagiging apatetiko ng mga Atenista sa takbo ng Sanggunian, ang tumatayong student government sa Ateneo. Pangunahin na rito ang palagiang mababang turn-out ng mga boto sa halalan.

Kung sabagay...Tuwing eleksyon naman kasi, talagang pahirapan ang pag-abot sa quota ng 50% + 1. At pinaabot pa ang botohan hanggang gabi para lamang makuha ang kailangang bilang ng boto upang hindi magkaroon ng failure of elections.

At tuwing miting de avance (tama ba spelling?), lagi ring isyu ang mababang voter turnout. At tila nagkakaisa naman ang mga kandidato sa kanilang pagsusuri sa pangyayaring ito. Sa kanilang palagay, at maging sa aking palagay, hindi makita ng maraming mag-aaral ang halaga ng Sanggu sa kanilang buhay. Pero bakit hindi nila makita?

Sa aking pagsusulat ng aking artikulo para sa Matanglawin tungkol sa nakaraang halalan ng Sanggu, isa iyan sa mga tanong na talagang pinagnilayan ko. Talaga kayang hindi makita ng mga mag-aaral ang halaga? O baka naman wala nang halaga talaga?

Bigla tuloy pumasok sa isip ko ang Marxistang teorya ng "withering away of the state." Ayon kay Marx at Engels, at pinayabong din ni Lenin, umiiral ang estado dahil sa tunggalian ng mga uri o class. Ginagamit ng naghaharing uri ang estado upang pagharian ang isa pang uri. Subalit sa inaasahang pagtatagumpay ng proletaryado, makukuha nito ang "state power." Matapos nito, unti-unti nang mawawalan ng saysay ang estado dahil unti-unti na ring mawawala ang class distinctions. Sa pagkawala ng mga uri, tuluyan nang magiging komunistang lipunan ang ating Mother Earth.

Kaya naisip ko, baka tulad rin ng isang sosyalistang lipunan, ang Ateneo rin ay unti-unti nang nakararanas ng kawalan ng class struggle. At dahil rito, hindi na kailangan ng isang estado o ng isang Sanggu. Kung sa isang sosyalistang lipunan kung saan nasasagot na ang batayang pangangailangan ng mamamayan, halos ganito na rin sa Loyola Schools. Pampered nga raw ang mga Atenista, sabi ng ilan.

At mismong si Boyet Dy, bagong halal na pangulo ng Sanggu, ang nagsabing walang ideyolohiyang naghihiwalay sa mga partido sa Ateneo. E kung ating susuriin, isang aparato rin talaga ang estado upang maitaguyod ng isang uri (o kahit na nga isang partido pulitikal) ang ideyolohiya nito. Kung mga fund raisers at concerts lang naman ang pagtatalunan, nasaan ang ideological battle o class struggle doon?

Medyo malabo pa ang aking mga argumento para sa "teoryang" ito. Subalit para sa akin, naniniwala pa ring akong sakaling mawala ang Sanggu, hindi ito mararamdaman ng karaniwang Atenista.