Wika
Isang kakaibang karanasan ang aking mga klase rito sa TU (Sumangguni sa nakaraang post.). Sa pangalan pa lamang ng kurso, maaaninagan na ang "kawirduhan" nito. Southeast Asia as an Emporium of Cultures and Trade. Sa madaling sabi, layon ng kurso na makita ng mag-aaral ang rehiyon ng Timog-Silangang Asya bilang isang buong entidad na sumasaibayo sa mga hangganang itinakda ng bawat estadong kasapi. Hindi talaga maisasantabi ang mga "artipisyal"na hangganang ito; datapuwat, kailangang tingnan ang mga ito bilang mga bunga ng samu't saring salik (pulitika, relihiyon, ekonomiya, atbp.) sa agos ng kasaysayan, at bilang mga salik rin mismo, na humuhubog sa iba't ibang aspeto ng mga taga-Timog-Silangang Asya.
28 kami sa klase. 13 rito ay mga Thai na taga-TU na kumukuha ng kursong SEA Studies. 15 naman ang galing sa ibang bansa. Pilipinas (4 na delegado), Indonesia (4), Malaysia (3), Vietnam (2), Laos (1), at Cambodia (1). (Masyado nang mayaman ang Singapore at Brunei, kaya naman hindi na siguro popondohan ng SEASREP ang mga mag-aaral ng mga bansang ito. At bagamat, mahusay ang sistema ng edukasyon sa mga State University ng Burma, wala naman silang estudyante ngayon. Ayaw na ng estado na magmulat ng gma tao para lang magising sila sa katarantaduhan ng kanilang pamahalaang militar. Subalit ang mga ito'y mga haka-haka lamang kung bakit walang delegado mula sa mga bansang nabanggit.)
Ingles ang aming "medium of instruction." Dalawa na sa aming mga propesor ang nanghihinayang sa katotohanang isang dayuhang wika ang aming ginagamit upang pag-aralan ang rehiyon ng SEA. Dagdag pa rito, kalakhan sa aming mga babasahin ay pawang mga Kanluraning akda. Kaya naman, sa simula pa lang ng kurso, kailangan nang pag-usapan ang konsepto ng Oryentalismo ni Edward Said.
Subalit hindi rito natatapos ang gusot. Bagamat isang rekisito sa pagpasok sa kurso ang pagiging maalam ng mag-aaral sa wikang Ingles, may iilan pa ring nahihirapang umunawa at magsalita sa wikang ito. Para sa isang estudyanteng nag-aral sa isang pamantasan na Ingles ang wika sa silid-aralan, di ko maiwasang tingnan ang mga kaklase kong ito na may halong pagkaawa (o marahil, pagmamataas) at pagkainis. Awa dahil hindi sila makasabay sa mga talakayan, at inis dahil mabagal ang usad ng klase dahil kailangang linawin ang ilang mga terminong Ingles para sa kanila. Sa aking makitid na pagtingin, hindi sila kasintalino, tulad ko.
Ngunit kung iisipin, maaaring higit pa silang maalam kaysa sa akin. Nagkataon nga lang na "wika ko" (Ingles) ang ginagamit sa aming diskurso. Natitiyak kong mapapayabong pa nila lalo ang talakayan kung ito ay nasa kanilang sariling wika, at dagdag pa nito, ako naman ang magmumukhang tanga. Sa "simpleng" pag-iiba ng wika, nababaligtad ang relasyon ng kapangyarihan.
Okey. Magbubuhat na ako ng bangko. Hindi ko maiwasang isama ang Matanglawin sa usapan. Nakagawian na nating tingnan ang Ingles bilang wika ng mga edukado, at sa kabilang nabanda, naisantabi ang Filipino sa mga pang-araw-araw na daldalang sinasabing hindi sakop ng "intelektwal na diskurso." Bungsod nito, nakikita ng Matanglawin na isang mahalaga at lubhang pulitikal na pahayag ang pagsusulat nito sa wikang Filipino. Layon ng pahayagan na makatulong sa patuloy na intelektwalisasyon ng Filipino, at gayundin, dalhin ang mga gumagamit ng wikang ito - ang mga batayang masa tulad ng mga manggagawa at magsasaka - sa diskursong naipagkakait sa kanila. Sapagkat sila man din, ay mayroong maibabahagi (at higit pa ngang kapaki-pakinabang kaysa sa mga aralin sa silid-aralan) na sa kasawiang-palad, hindi nabibigyang-halaga sa kakulangan nito ng "academic value."