Monday, May 30, 2005

Huli Man at Magaling...

Medyo huli na nga ang artikulong ito...

Matagal-tagal na rin ang panahong nakalilipas matapos ang tsunami na naganap sa Timog Silangang Asya noong nakaraang taon. Pero dahil na rin sa tindi ng trahedyang ito, hanggang ngayon, may mga ilan pa ring pagkakataong nababanggit ang pangyayaring ito sa telebisyon o sa pahayagan.

At sa mga ganitong pagkakataon, hindi maiwasang bumalik sa isip ko ang sinabi ng isang mataas na opisyal ng World Trade Organization (WTO) tungkol sa trahedya. Nakalimutan ko na kung sino siya pero hinding-hindi ang kanyang mungkahi. Aniya, upang makatulong sa mabilis na rehabilitasyon ng mga bansang napinsala (take note: pawang mga bansang Third World ang mga ito), mainam na huwag muna silang puwersahin sa kanilang mga obligaysong pangkalakalan sa WTO. Partikular niyang idinulog ito sa mga bansang First World.

Kinailangan pa ba ng isang tsunami upang matanto ito - na upang bumilis ang pagbangon patungo sa kaunlaran, mainam na huwag munang sundin ang mga tratado ng WTO? Aba'y mainam at makatarungan lamang na sabihin ng lahat ng bansang naghihirap na may kanya-kanya silang trahedyang kinakaharap, na kailangang nilang suwayin ang WTO upang makabangon din.

Ganito rin kaya ang imumungkahi ng opisyal na ito kung sa Kanlurang Europa tumama ang tsunami?

Ito na yata ang pinakamagandang mungkahing nagmula sa isang opisyal ng WTO. Subalit huli man at magaling...huli pa rin.

Sunday, May 22, 2005

2 Mukha ng Imperyalismo

Kababalik ko lang mula sa Thailand. At tulad ng inaasahan, puro problema ang sumalubong sa akin pagbalik ko sa aking lupang tinubuan (Tulad ng computer kong sira.). Haay.....Ayaw ko na nga sanang bumalik dito...He he.

1. Oo. Inaamin kong nagpunta akong Patpong sa Thailand. Ito ang tanyag na Red Light District ng nasabing bansa. At hindi yata kumpleto ang pagpunta sa Thailand nang hindi napapadaan sa lugar na ito.

Freak Show. Ito na siguro ang pinakaakmang paglalarawan ng aking karanasan sa Patpong. Hindi ko na ilalagay pa rito ang mga detalye...basta. To see is to believe. At hindi lang upang makita ang "performance" ng mga babae roon kundi mamasdan ang kanilang malulungkot na mukha habang pinanonood ng mga nakangising dayuhan.

2. Ang Khao San Road ang sinasabing backpackers' haven sa Bangkok. Ito ang nagsisilbing pit stop para sa mga turista. Hindi naman sa xenophobic ako, subalit hindi ko maiwasang mairita sa mga maangas na turista sa kalyeng iyon. (Bagamat isa rin akong turista roon.) Kaunti na lang, mapapasigaw na ako ng "Imperyalismo, Ibagsak!"

Subalit dito ko rin sa Kkao San Road nahanap ang isang tindahan ng mga librong second-hand . At huwag ka. Mga akda ng mga tulad nina Noam Chomsky, Michel Foucault, Edward Said, Naomi Klein ang ibinebenta roon - mga librong pumapaksa sa hagupit ng imperyalismo.