Takip-Silim
...at wala pala akong blog entry para sa buwan ng Nobyembre. For that...
Meron na pala akong column sa website ng Matanglawin. Ang pangalan ng aking column ay Takip-Silim. At para sa unang labas nito: isang paliwanag kung bakit iyan ang pangalan ng aking column. Nawa'y subaybayan ninyo (kung sino ka mang may ganang magbasa ng aking blog) ang aking column, pati na rin ang mga kaganapan sa www.matanglawin.org
Kapag nagbanggit ang salitang “gabi,” unang pumapasok sa isip marahil ang kadiliman na siyang bumabalot rito. Kaakibat naman ng kadiliman ang ilang masasabing negatibong “konsepto” tulad ng krimen, mga maligno, at iba pa. Dulot nito, kadalasang naitutumbas ang gabi sa kasamaan. Sa parehong pagtutumbas, ang umaga naman ang siyang kumakatawan sa kabutihan. Dala ang liwanag na isinasaboy nito, larawan ang umaga ng pag-asa, pagkamulat, at pagtubo.
Ang dikotomiyang ito ng umaga-gabi o liwanag-dilim ang isa marahil sa mga unang nagamit sa pananalinhaga. Gayundin, dahil sa linaw ng imahe nito, isa rin ito sa mga pinakamabisang kasangkapan sa paglalahad. Ating alalahanin na ginamit ito ni Emilio Jacinto upang ipakita sa mga Pilipino ang kabaliktaran ng pagpapasailalim sa mga Kastila (dilim) at pagkamit ng ganap na kalayaan (liwanag). Nailahad ito sa kanyang akdang pinamagatang, “Liwanag at Dilim.”
Mabisa ang imahe, hindi lamang sa tingkad ng oposisyon at tawag ng rebolusyon noong panahon ni Jacinto, kundi dahil malaki ang talab nito sa kahit na sinong Pilipino may kakayahang makakita. Araw-araw ang pagdaranas ng sinuman sa konspeto ng umaga at gabi, liwanag at gabi. Hindi kalabisan ang sabihing walang maliw ang talab ng talinhagang ito para sa sinumang nakakakita.
Subalit sa kasulukuyang panahon, na sinasabing post-moderno at tila ilang sa malalaking kategorya at naratibo, makabuluhan pa kaya ang ganitong tila simplistikong pananalinhaga?
Sa isang banda, nagagamit ang ganitong payak na dikotomiya para sa makasarili at mapaminsalang layunin. Pinakalitaw na halimbawa ang pagsambit ni George W. Bush na: “It’s either you’re with us, or you’re with the terrorists.” Sa isang padalos-dalos na kilos ng paglalahat, tinanggal niya ang intirinsikong kaibahang bumabalot sa bawat nilalang at sumasaklaw sa lahat ng lipunan, maisakatuparan lamang ang digmaang “kontra-terorismo.”
Sa kabilang banda, dahil sa pagkatakot ring mahulog sa patibong ng padalos-dalos na paglalahat, mayroong iilan na nakaliligtaang (o sinasadya kaya?) tukuyin ang isang bagay bilang tama o
Ang dapat sanang malinaw na isyu ng tama at mali pagdating sa pandaraya ay pinalalabo ngayon ng kampon ni Arroyo. Ginagawa nila ito sa ngalan ng pagpili diumano sa lesser evil. Ang masakit nito, ilan sa mga karaniwang mamamayan ang nahuhulog sa ganitong argumento. Ang dapat sanang matingkad na oposisyon ng umaga at gabi, nagmimistula sa ating larawan ng takip-silim.
Nakatatakot ang ganitong larawan. Habang unti-unting dumidilim ang kapaligiran, tila baga nasasanay tayo sa unti-unti ring pagkawala ng liwanag. Habang pinalalampas natin ang “maliliit” na pagkakamali sa ngalan ng isang diumanong “greater good,” unti-unti rin nating palalampasin maging ang “malalaking” pagkakamali. Kung hindi tayo magiging mapagmatyag, maaaring magising na lamang tayo na binalot na ng gabi ang ating paligid.
Binabalot ng takip-silim ang ating lipunan ngayon. At bilang mga mamamayan, hindi tayo maaaring manatiling tahimik habang dahan-dahang inaagaw ng dilim ang liwanag ng umaga. Sa bawat pagtatangka ng dilim, dapat lamang na tukuyin ito bilang dilim at hindi pahintulutang palabuin pa ang ating paningin. Subalit sa kabilang banda, nangangailangan din ng isang kilos na hindi padalos-dalos at magsasanhi ng pagka-simplistiko ng ating pag-iisip.
Sa ganitong salimuot, nagiging hamon sa atin ngayon ang maging mapanuri sa ating paligid. Palaging nariyan ang banta ng panganib mula sa magkabilaang panig ng padalos-dalos na paglalahat at mabuwal na relatibismo. Kapwa ito patibong na maiiwasan sa pamamagitan ng walang humpay na pag-aaral, pagsusuri, pakikipagdiskurso, at pakikisangkot ng bawat isa sa atin.
http://matanglawin.org/index.php?option=com_content&task=view&id=343&Itemid=2
