Wednesday, December 28, 2005

Kalendaryo Avenue

Malapit na ang bagong taon. At para doon sa mga literal nang magpapalit ng kalendaryo, heto ang isang maliit na suggestion: pumunta kayo sa Luzon Avenue.

Akalain mo, may Luzon Avenue pala. Ako man, kamakailan lang (4 years ago yun) natuklasan ang pag-iral nito. Buong-buhay akong mulat sa pag-iral ng Visayas at Mindanao Avenue, at halos buong-buhay rin akong windang sa pag-iisip kung meron din bang Luzon Avenue. Nasuyod ko na ang halos buong Kyusi (QC) sa paghahanap, but to no avail. Pero iyon, as fate would have it, lumipat kami ng bahay sa bandang Commonwealth at saka ko lamang natuklasan na totoo ngang merong Luzon Ave. - isang 2-lane na kalsada na parang iskinita na rin sa sikip. Kapag merong tumirik na kotse sa gitna ng Luzon, siguradong isusumpa mo ang araw na dumaan ka roon. To think na isa itong major road (Tsaka, ito lang yata ang major road na 70% ng traffic volume ay binubuo ng mga traysikel; kung aaraw-arawin mo ang pagbagtas sa Luzon, siguraduhin mo lang na meron kang reserbang malinis na baga pag-uwi mo sa bahay). Anak ng tokwa! Sino'ng mag-aakala na ito pala ang hinahanap kong Luzon Ave. Sa lapad ng Visayas at Mindanao, parang isang malaking joke ang maliit na hitsura ng Luzon (although balita ko ay palalaparin ito at the expense of the informal settlers na naroon na, tsk tsk). pero iyon, medyo nalayo na ako sa aking dapat sabihin.

Gaya nga ng entrada ko kanina, kung literal ka ngang magpapalit ng kalendaryo dahil siyempre, bagong taon na nga, pumunta kang Luzon Ave. Bakit, 'ka mo? Ganito na lang natin ilagay: Kung puwede nang palitan ang pangalan ng Araneta Ave. na Punerarya Ave., ang Banawe ng Talyer Ave., ang Dimasalang ng Bulaklak Ave., ang Old Sta. Mesa Ave., ng Mot-Mot Ave., ang Quezon Ave. ng...teka masyado nang mahaba. Basta yun. Ganyan din ang Luzon Ave., puwede mo nang palitan ng Kalendaryo Ave. dahil nagkalat ang mga tindahan ng kalendaryo sa kahabaan ng kalye. (Actually, puwede rin Traysikel Ave. pero hindi iyan ang punto ko.)

Sa simula pa lang ng Christmas season dito sa 'Pinas, meaning mga bandang September dahil simula na ng mga Ber months, magsisimula nang maglabasan ang mga tindahan ng kalendaryo sa Luzon. Iba't ibang disenyo, kulay, at laki. Lagi ring may mga disenyo na sunud sa uso. Dati puro F4 yung design (y'ung tsekwa ha, hindi y'ung kotse). Last year naman, puro Darna. Ngayong taon, naghahanap ako ng Pinoy Big Brother pero mukhang wala. Pero puwede yatang magpasadya. Kung gusto mong ilagay yung mukha ng alaga mong kambing, puwede yata yun. O di kaya, gawin mong design yung paborito mong abrelata, puwede rin yata.

Malapit lang sa amin ang Luzon. Kung meron man sa inyo na may alagang kambing o may paboritong abrelata, pakisabi lang sa akin.