Tuesday, January 24, 2006

Not-So Ordinary Bus

Galing ako ng Cubao noon at papauwi na. Pinakamurang rota pauwi ay ang pagsakay ng ordinary na bus hanggang Luzon. Nuebe pesos lang yun, obvious na mas mura kaysa sa sumakay ako ng dyip na sisingil ng dose pesos para sa parehong biyahe. Pumuwesto ako sa may bandang kanto ng Aurora at Edsa, sa ilalim ng mga higanteng bakal ng mga sinaunang billboard ng Cubao. Heto na ang bus: biyaheng Alabang-SM Fairview. Sabay akyat.

Nagulat ako pagpasok. Taena. Kakaiba ang bus na ito sa lahat ng nasakyan ko. May parang lounge area sa bandang unahan ng sasakyan, malapit sa drayber. Imbis na hile-hilerang bangko tulad ng sa ordinaryong bus (ordinary at aircon), magkaharapan ang bangko sa lounge area na iyon. At ubod naman ako ng suwerte dahil natiyempuhan kong makaupo agad roon. Pero siyempre, doon lang sa bandang unahan y’ung lounge area. Kung ganoon ang hitsura ng buong bus, hindi na bus iyon kundi dambuhalang dyip.

Naaliw lang ako. (Obvious ba? Hindi ko naman isusulat sa blog ko kung hindi ako naaliw.) Hanep kasi. May bangko na nakatalikod sa drayber. Tapos nasa pagitan iyon ng dalawang bangko na nasa gilid at magkaharapan. Akala ko nga, magsusugal kami ng mga nakaupo doon sa lounge area. Lounge talaga. Kulang na lang, alukin ako ng konduktor ng inumin. Kulang na lang….hmm…lounge music.

Pagbaba ko sa Luzon, sinigurado kong titingnan ko y'ung pangalan ng bus. FT Liner. Taena, sana makasakay ulit ako. Ika nga ni Ate Shawie, talagang trip kita.


Monday, January 09, 2006

Paano ka Ililigtas ng Bigote ni Mike?

Okey, sige na. Once and for all. Para masagot na ang tanong ng bayan. Bakit nga ba ako nagpapatubo ng bigote at balbas?

Bakit nga ba? Noong simula, tinamad lang talaga akong ahitin. Effort, e. At iyan, dahil diyan sa facial hair na iyan, marami na tuloy ang nagtataka. Ayaw maniwala ng mga taong tinatamad lang akong mag-ahit. E di, (Gutierrez?)…e di, gawan natin ng dahilan. Tutal eksperto naman ang maraming Atenista rito: pagra-rationalize ng kanilang mga ginagawa.

Bakit nga ba? Sabihin na lang nating mayroon itong kinalaman sa aking paglaboy sa mga sulok-sulok ng Metro Manila.

Bahagi ako ng isang pamilyang nakadarama ng krisis ng lipunan, lalo na sa usapin ng pagtaas ng presyo ng langis. At dahil nga sa walang kapanahunang kartel ng langis, kasabwat ang estado sa tulong ng pesteng Oil Deregulation Law, napagpasyahan ng pamilya na hindi na gagamitin ang sasakyan papunta sa at pauwi galing sa eskwela, at lalung-lalo na sa mga sari-sariling gimik. Gagamitin lang kapag lakad ng buong pamilya. Naging istriktong family car ang 9-years old naming tamaraw.

Sanay naman akong sumakay ng bus at dyip. Pero ayun na nga, dahil sa desisyong iyon, naging araw-araw na ang pagkokomyut. At siyempre, ang pagkokomyut ay hindi lang puro pagsakay; kadalasan, mas mahaba pa nga ang naigugugol na panahon sa paglalakad patungo sa mga terminal ng bus at dyip. Sa ganyang pagkakataon, lumalabas ang isa na namang panganib: ang maholdap, manakawan, o madukutan. (But then again, madalas rin naman ang holdapan sa loob ng sasakyan. ‘Di ba Pael at Mando?)

Sino ba ang taong gustong manakawan o maholdap? Wala. Kahit ang lolang nagtatago raw ng pera niya sa bra at panty. (Kung sinuman ang nag-imbento ng joke na ‘yun tungkol sa lolang naholdap, tae ka. Kaunting sensitivity naman.) Kaya naman, bilang preventive measure, nagpatubo ako ng bigote at balbas. “Ha?,” tanong mo marahil. Iyon ay para hindi ako makursunadahan ng holdaper o mandurukot. Sino nga ba naman ang gustong mangholdap ng taong mas mukha pang holdaper sa kanya?

Okey. Medyo off na iyon. Sorry. Alam ko namang walang iisang mukha ang mga mandurugas sa kalye. Hindi naman ng lahat ng taong napupuno ng facial hair ay holdaper dahil kung ganoon, kulong agad si Chewbacca. Gayundin, hindi naman lahat ng holdaper ay mukhang Chewbacca. Dahil kung tutuusin ang pinakamalaking holdaper, magnanakaw, at mandurukot ay kasintangkad ni Yoda at may "maayos" na pustura. Doon sa may bandang San Miguel, Maynila ang teritoryo niya, katabi pa ng ilog. Delikado nga ang mga mandurugas sa kalye pero mas delikado ang mga mandurugas sa Malacañang.

Pero sa totoo lang, tinatamad lang akong mag-ahit. Effort, e.

Monday, January 02, 2006

Wish List para sa 2006

Isang magandang taon ng paglaboy ang taong 2005 para sa akin. Maraming lugar na napuntahan ko lamang ngayong taon na ito. Nariyan ang Davao at Gen. Santos (bagamat sa palibot lang ng pier ako nakagala). At siyempre, hindi ko malilimutan ang aking unang beses na makalabas ng bansa. Taong 2005, nakapunta ako sa Thailand at umabot sa hangganan ng Burma at Laos.

Para sa taong 2006, heto ang mga lugar na sana’y mapuntahan ko at kung bakit:

1. Malabon Zoo: hindi pa ako nakapupunta sa bahaging norte ng Metro Manila sa may bandang Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela (CAMANAVA)
2. Navotas Fish Port: same as above
3. SM Valenzuela: same as above, at isa ito sa mga SM malls sa Metro Manila na hindi ko pa napupuntahan.
4. Palawan: sino ba ang ayaw makapunta sa Palawan?
5. Divisoria: elementary pa yata ako nang huli akong makatuntong sa lugar na ito
6. National Library: kung nais kong magtuloy-tuloy sa pagmamasterado, mabuti itong simula
7. Zamboanga Sibugay: bagong probinsya kasi
8. NAIA Terminal 3: Potek! Sana buksan na iyan!

At kung papalarin, sana makalabas ulit ako ng bansa ngayong 2006:
1. Nicaragua: para makakita ako ng mga Sandinista
2. Romania: para makakita ako ng mga gymnasts
3. Russia: para makainom ako ng Vodka at makalaro ng chess sa lamig
4. Morroco: para makita ko ang mga Aprikanong handang mamamatay makatawid lang papunta sa Europa (gamit ang Strait of Gibraltar)
5. Sweden: para libre ang tuition kapag kumuha na ako ng masterado

At sana, matuloy na ang planong LRT o MRT na magmumula Sandiganbayan sa Commonwealth at tutuloy hanggang Lerma sa Maynila. Sobrang ayos n’un! At sana, marami akong pera para may sapat na pamasahe. Yun lang.