Thursday, March 02, 2006

Opisyal na Pahayag ng Matanglawin Hinggil sa Proc. 1017

Mariing kinokondena ng Matanglawin ang pagbababa ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng Proclamation No. 1017 na nagpapasailalim sa Pilipinas sa State of National Emergency. Sa mga nakalipas na araw, nakita ng madla ang pagkakasangkapan ng administrasyon sa proklamasyong ito tungo sa pag-apak sa mga batayang karapatan ng taong-bayan, mapanatili lang ang sarili nito sa puwesto. Pangunahin na sa mga karapatang ito ang malayang pamamahayag - isang karapatang malinaw na ginagarantiyahan ng Saligang Batas.

Ginawang batayan ng administrasyon sa pagpapataw ng State of National Emergency ang sinasabi nilang sabwatan ng makakanan at makakaliwang puwersa, sampu ng pulitikal na oposisyon upang pabagsakin si Arroyo. At ayon sa proklamasyon, kasangkapan ang media sa tangkang ito.

Pagbaba ng proklamasyon, sunud-sunod na ang mga pagdarakip sa mga personalidad na kilalang kritikal sa administrasyon tulad nina UP Prof. Randy David at Anakpawis Rep. Crispin Beltran. Gayundin, nilusob ng pulisya ang palimbagan ng Daily Tribune dahil umano’y ginagamit raw ito bilang instrumento ng destabilisasyon sa pamahalaan. At sa nangyaring krisis sa Fort Bonifacio, ipinagdiinan ng militar na itigil ng media ang pagsubaybay sa mga kagapanapan dito.

Sa mga nabanggit, malinaw na nilalabag ng administrasyon ang kalayaan sa pamamahayag sapagkat ayon sa proklamasyon, kailangan muna nilang tingnan kung naaayon sa ”government standards”, ang mga inilalabas ng media sa publiko. Hinihikayat ng pamahalaan na ”magaganda at positibong” balita lamang ang iulat ng media at huwag pagtuunan ang ”masasama at negatibo.” Ngunit kung tutuusin, sa papel nito bilang tagapag-ulat ng mga kaganapan, sinasalamin lang naman ng media ang totoong nangyayari sa lipunan. At kung puro negatibo ang lumalabas na balita, hindi ba’t nagpapakita lamang ito ng kasalukuyang kalagayan ng bansa sa ilalim ng rehimeng Arroyo?

Matapos ng diumanong naudlot na kudeta, sinabi ni Arroyo na kontrolado nila ang sitwasyon. Ngunit, kung tutuusin taliwas ang kanyang pahayag sa kanyang proklamasyon. Bakit pa niya ipinasailalim ang bansa sa State of National Emergency kung maayos na ang bansa? Hindi kaya isa lamang itong hakbang upang lalo pang supilin ang karapatang magpahayag at magprotesta ng publiko na unti-unti na niyang kinikitil sa pamamagitan ng kanyang mga polisiya tulad ng Calibrated Preemptive Response (CPR) at EO 464, na kanyang inilabas magmula pa noong pumutok ang isyu ng Hello Garci tapes at nagkaroon ng duda sa pagiging lehitimo ng kanyang pamahalaan?

Dahil sa mga direktang pag-apak sa mga batayang karapatan ng mga mamamayan lalo na ang kalayaan sa pamamahayag, naniniwala ang Matanglawin, bilang isang pahayagan, na walang batayan ang pagdedeklara ng State of National Emergency. Kailangan nang tanggalin ang Proclamation No. 1017 sa lalong madaling panahon.

Sa huli, nararapat tingnan ang mga pangyayari nitong mga nakaraang araw sa isang higit na malawak na konteksto. Magmula nang nagkaroon ng pagdududa sa pagiging lehitimo ng pamahalaang Arroyo, hindi na natapos ang mga kaguluhan sa bansa. Masasabing naging marupok ang pundasyon ng kasalukuyang pamahalaan kaya samu’t saring polisiya ang kanilang ipinapataw upang hindi maipahayag ng publiko ang saloobin nito ukol sa mga isyung kaugnay ng Hello Garci tapes.

Sa mga nakaraang buwan, iba’t ibang grupo ang nagpapahayag ng kani-kaniyang paninindigan ukol rito. Iba’t ibang paraan ang inilalatag ng Saligang Batas upang matugunan ang krisis. Nagkaroon sana ng pagkakataon noong Setyembre na malaman ang katotohanan sa pamamagitan ng isang impeachment trial matapos magbingi-bingihan ni Arrroyo sa mga panawagan para sa kanyang pagbibitiw. Ipinahayag niya sa kanyang mga kalaban na maghain na lamang ng kasong impeachment ngunit, dahil sa kanyang mga kakampi sa mababang kapulungan, naibasura ito sa mga kadahilanang teknikal at tuluyan nang naisara lahat ng mga paraang konstitusyunal upang matapos ang krisis.

Sa ganang ito, inuulit ng Matanglawin ang kanyang naunang pahayag noong Hunyo para sa agarang pag-alis sa puwesto ni Gloria Macapagal-Arroyo, sa isang paraang hindi lalabag sa Saligang Batas, sa paraang mananaig pa rin ang kapangyarihan ng sibilyan sa militar, at higit sa paraang mapayapa at hindi gagamit ng anumang dahas.

Naniniwala ang Matanglawin, na makakapagsimula lamang ng mga tunay na reporma at pagbabago ang bansa sa oras na wala na sa puwesto ang kasalukuyang pangulong pinagdududahan ang kanya mismong karapatang manungkulan sa puwesto.