Saturday, September 23, 2006

Patok!

Hindi ko alam kung ano bang meron sa mga dyip na dumadaan sa Aurora at Marcos Hiway. Ayaw ko sanang magbigay ng isang sweeping generalization - pero napansin ko lang talagang may certain katangian ang marami sa mga dyip in this part of Metro Manila. Karamihan y'ung mga may biyaheng SSS, Cubao, Cogeo, Stop N Shop. Mga ganung tipo baga.

At ano naman ang certain katangian na aking tinutukoy? Heto: 1. malakas kung magpatugtog gamit ang isang CD-ROM drive na kinabit sa sound system ng dyip; 2. hif-hof na disenyo ng dyip na para bang spray painted wall ng mga egoy na 'Kano; at dapat, 3. may kakuntsaba (karelyebo?) ang tsuper na nakaupo sa harap. Minsan pa nga, dalawa yung kakuntsaba. At may number 4 pa pala. Nakakawindang na pagmamaneho.

Patok! Ayon sa aking butihin at magandang kasintahan, patok daw ang tawag sa mga ganung tipo ng dyip. Well...puwede na. Bagay ang pangalan.

Marami namang mga ganyang tipo ng dyip sa Kamaynilaan, pero for some weird reason, e, marami sila sa bandang Cubao at Marikina. Isang beses pa nga, nakasakay ako sa isang "patok."Galing yata ako ng Sta. Mesa noon, at pauwi na ako. Mga hatinggabi na yata 'yun. Ay sus! Walang panahon sa pagmamaneho ang drayber! Y'ung dyip e parang duyang niyuyugyog ng pangkistang nagwawala sa gitna ng islampit. At kaming mga pasahero ang mga kawawang sanggol. Panginoon ko! Akala ko talaga e matetegras na ako sa duyan ng kamatayan. Kaliwa't kanan ang gewang ng dyip habang nakikipagkarera sa isa pang patok na dyip sa kahabaan ng Aurora. At siyempre, habang humaharurot ang tsuper, panay naman ang hiyaw ng kanyang mga kakuntsaba islash karelyebo. E, nakaupo pa man din ako doon sa likod ng drayber. Grabe! Parang gusto ko siyang sakalin n'ung mga oras na iyon. Kung sabay-sabay din lang kaming mamamatay, sisiguruhin kong mauuna ang hinayupak na 'yun.

Pero 'yun. Wala akong nagawa. Patok siya, e.

Monday, September 18, 2006

Still Waiting for the Bus

(Isang pagpapatuloy ng nakaraang artikulo. In fairness, gaya-gaya sa style ni Conrado de Quiros pagdating sa paggawa ng pamagat. He he.)

Aircon ang sinasakyan kong bus papuntang Poveda. De-aircon na bus na dadaan sa Ortigas Ilalim. Ayoko namang tumatagaktak ang pawis ko pagdating ko sa eskwela. Baka hindi kayanin ng maseselang pang-amoy ng mga estudyante ko ang bagsik ng aking halimuyak matapos ang isang oras na pakikipagsiksikan at pakipagkiskisan ng katawan sa isang mataong bus. Ganyan ang pagdadahilan ko kaya aircon ang bus ko tuwing umaga.

Pagdating naman ng uwian, solb na ako sa ordinary. Mag-aabang ako sa EDSA gate ng Poveda at doon maghihintay ng "ordinaryong bus." Para makatipid na rin. Tatlong pisong diperensiya rin y'un. Tsaka hindi naman siksikan sa bus kapag mga bandang 4:30 ng hapon. Masarap pa niyan kapag nakaupo ka sa tabi ng bintana, at ang drayber ng bus ay para bang natataeng tigre at may hinahabol na kubeta. Sumasalampak ang hangin sa mukha mo. In yer peys, kumbaga.

Pero isang beses dati, pagkatapos lumaboy sa aking bagong default mall (which is Robinson's Galleria; aka. Galle), naghintay na ako sa sakayan sa may Galle, doon sa Ilalim ng Ortigas flyover, para makauwi. Alangan naman kasing bumalik pa ako sa EDSA gate ng Poveda kung saan ako kadalasang sumasakay. Nakngpotcha! E, walang ordinary bus na dumating. Puro aircon. Kaya ayun, nilakad ko pa rin hanggang sa gate ng Poveda para lang makasakay ako.

At sa aking pagsisiyasat, napansin at napatunayan kong walang ordinary bus na dumadaan sa Ortigas Ilalim. Lahat aircon! Bakit kaya ganun? Dahil ba sa kapag sinabing nagtatrabaho ka sa Ortigas, malamang e sosyal ang trabaho mo kaya hindi ka sasakay ng ordinary na bus? Bakit ayaw dumaan ng mga ordinary na bus sa Ortigas Ilalim. Feeling ba nila, wala silang market dun? Meron kaya. Ako. Well...kapag uwian lang 'yun. He he.

Kaya pala, aircon ang sinasakyan kong bus papuntang Poveda. Kasi wala naman talagang ordinary na dadaan sa Ortigas Ilalim.

Saturday, September 09, 2006

Waiting for the Bus

Mula nang nagtrabaho ako (Sa mga hindi pa nakakaalam e nagtuturo na po ako ng World History sa Poveda High School. Yah, you heard it right. Poveda.), naaaliw na ako sa pag-co-commute ko papunta't pauwi sa 'skwela. Sumasakay kasi ako ng bus: sa umaga, antay ako ng bus na dadaan ng Ortigas Ilalim, at sa hapon naman, sasakay ako ng bus na papuntang SM Fairview. Grabe. Pakiramdam ko ang tanda ko na. Para bang kasing-edad ko na si Pael (Sa mga hindi pa nakakaalam e panahon pa lang ni Ramon Magsaysay, nakakaboto na po si Pael.)

Isipin mo yun, o. Weekday: umagang-umaga, nakikipagsiksikan ka sa bus na dadaan ng EDSA at papuntang Ortigas at Makati, kasama ng iba pang mga empleyadong papasok sa kani-kanilang mga opisina. Kabilang ka na sa milyun-milyong Pilipinong nagkukumahog araw-araw para maghanap-buhay. Parang kailan lang e ang isyu mo lang sa buhay e kung masusundo ka ng school bus mo at kung paano mo mapipigilang hindi masuka sa mahaba at nakakatagtag na biyahe pauwi sakay ng school bus na iyon.

Kapag isyu mo na ang umagang trapik at late afternoon rush hour sa EDSA, tumatanda ka na.

Monday, September 04, 2006

Dahil Setyembre

Dahil inaabangan mo ang muling pagsusulat ko sa espasyong ito;
dahil inaasahan mong may bagong tala sa bawat bagong buwan;
dahil ang buwang ito ang iyong pinakamamahal;
at dahil ang buang na ito, sa iyo'y nagmamahal:

Maligayang Setyembre sa iyo, mahal ko.
Buwang-buwan akong umaasang aabangan mo
ang mga Setyembre sa iyong buhay
kasama ang buang na ako.