Sunday, October 29, 2006

Not Politically, but Socially Correct

Sa pangalan ng ilang mga lugar dito sa Maynila, may politically at socially correct names.

Politically correct ang pangalang Carlos P. Garcia Highway sa kalyeng bumabagtas mula Libis hanggang South Superhiway. Pero sino ba ang gumagamit nu'n? Kapag sinabi mo y'un sa taxi driver, baka bigyan ka pa ng WTF look. Pero kapag sinabi mong C5, alam na alam ng lahat 'yan. C5 bale, ang socially correct name ng E. Rodriguez, Jr. Highway at Carlos P. Garcia Highway. Kahit na ba C5 is actually a circumferential road consisting of several other roads starting from Novaliches to South Superhiway. Ang C5 ay C5 pa rin.

Politically correct rin ang Gil Puyat Ave., pero kaunti lang ang taong gumagamit nu'n dahil ang socially correct name niyan, e Buendia pa rin. (Hindi ko lang alam kung ano ang socially correct pronounciation: buen-di-ya o buen-dya. Ewan.) Politcaly correct ang SSS Village sa Marikina at SSS building sa East Ave. Pero socially correct, at shorter for practicality ang pagtawag dito na SS. Wala pa akong narinig na drayber o konduktor ng bus na tinawag ang dalawang iyon na SSS, laging SS - laging dalawang S lang (Nasanay siguro sa shortcut dahil sa text.).

Marami pang ganyan. Kadalasan, mga lumang pangalan ng kalye at lugar ang socially correct names na napalitan na ng ibang pangalan, pero nananatili pa rin sa kamalayan ng mga tao - siguro dahil nakasanayan na. Pero meron ding mga politically correct names na medyo bago lang ang paggamit, pero mabilis naging socially correct. Halimbawa niyan ang Lacson Ave. sa Maynila. Ang politically at socially correct name niyan dati e, Gov. Forbes. Pero sa ngayon, kaunti na lang ang taong naririnig kong gumagamit pangalang Forbes para tukuyin ang naturang kalye.

Subalit ang pinakagusto kong halimbawa e hindi kalye kundi isang gusali. Ito ang Palma Hall sa UP Diliman. Ay mali. Hindi pala. AS building pala iyon. Politically correct ang Palma Hall pero kung tatanungin mo ang taga-peyups, mga taga-labas lang halos ang gumagamit ng pangalang iyan. Sabi nga ng isang kaibigan, matutukoy ang isang freshman sa UP sa paggamit niya ng Palma Hall. AS kasi ang socially correct name.

Hindi ko lang alam kung ang dahilan kung bakit AS pa rin ang tawag sa Palma Hall e dahil sa nananatili pa ring AS ang sagot sa kahirapan sa Pilipinas. Kung alam mo ang AS na tinutukoy ko, you are SOCIALLY entrenched sa Philippine POLITICS. Pero ibang topic na iyan.

Tuesday, October 24, 2006

Limos

Hindi ako nagbibigay sa mga nanlilimos. Nakasanayan ko nang ganu'n. Sa aking palagay kasi, kapag nabibigyan sila ng limos, lalo silang nagkakaroon ng dahilan para magpatuloy sa panlilimos.

Pero isang araw nitong nakaraang linggo, binali ko ang aking prinsipyo nang kaunti.

Pagdating sa Cubao ng sinasakyan kong bus, sumakay ang isang babae. Pauwi na ako noon galing sa trabaho. Hindi ko siya masyadong pinansin sa simula kaya nagulat ako nang bigla siyang nag-abot ng kapirasong papel sa akin. Heto ka. Sabi dun sa papel, nagbebenta raw siya ng pastilyas at macapuno na kendi para pantustos sa kanyang pag-aaral ng MUSIC.

Lumang istilo na iyang paglalako ng mga kung anu-ano para makakuha ng pera islash makalimos. Tingnan ninyo na lamang kung gaano na katalamak ang mga nagbebenta ng Dried Mangoes sa buong Metro Manila (At dahil nga talamak na ang mga iyan, minsan naiisip ko na baka modus operandi na iyan ng isang sindikatong nagtutulak ng droga sa pamamagitan ng Dried Mangoes. Wag naman sana, Panginoon kong mahabagin.). Pero ang sabihing nagbebenta siya ng pastilyas para makapag-aral ng MUSIC, ibang usapan na yata ito. Saan ka nakarinig ng ganyan?

Morena, may katangkaran, hanggang balikat ang buhok, tantsa ko e mga ilang taon lang ang tanda niya sa akin. Tinanong ko siya kung talagang nag-aaral siya ng music, sabay abot ng sampu pambili ng pastilyas. Sabi niya, oo. Kunwari naniwala ako.

Pero sana nga totoong nag-aaral siya, anupaman ang kursong kinukuha niya. Hindi man ako lubos na naniniwala sa kanya, may kirot pa rin sa aking puso ang ganung kuwento: isang batang gagawin ang lahat para lang makapag-aral. Shet.

Malamang sa malamang, gumawa lang ng kuwento ang babaeng iyon para makakuha ng pera. Pero hahayaan ko na iyon, kaysa naman sa malaman kong totoo pala ang kuwentong nakasulat sa kanyang kapirasong papel at magsisi ako sa pagtanggi ko sa isang batang nagnanais lumikha ng isang mas masaya at mas malayang lipunan gamit ang musika.

Sunday, October 15, 2006

Totoong Patalastas na Ito

Tinutulungan ko si Dekay na magbenta ng mga libro. Heto ang listahan na naka-post rin sa kanyang blog (Puntahan lang ang link na nasa baba.). At madali naman kaming kausap pagdating sa presyo. Kung nais bumili, reply lang sa blog na ito, email sa mpante@gmail.com, o text ako sa 0922 5511585. Ipaalam din sa mga kaibigan na merong ganitong churvang nagaganap. Para naman maubos agad. Hehe. Oki?

http://books-for-sale.blogdrive.com/

Wednesday, October 11, 2006

Nang Malagas ang mga Patalastas (Part II)

At nagsimula na nga ang pagbabaklas sa ilang billboards sa Metro Manila. Dapat lang talaga dahil sa panganib na dala ng mga iyan. Pero hindi ko mapigilang ma-senti sa nakaambang pagkawala ng mga naglalakihang patalastas sa daan.

Kapag nakikita ko kasi ang mga higanteng ads, may certain happiness akong nararamdaman. Kaya nga sobrang paborito ko ang dumadaan sa EDSA-Guadalupe kung saan matatagpuan ang diumanong mother of all billboards. Grabe sa laki!

Bakit ka naman kasi hindi mahuhumaling? E ang gaganda ng mga mukhang nakikita mo sa mga higanteng billboards. Mga tipong Nicole Hernandez at Kelly Misa. O, saan ka pa? Kung ganun din lang ang hitsura ng higante, gugustuhin mo nang magpalamon sa kanila.

Pero bukod rito, yung certain happiness na nadarama ko e dala ng pakiramdam na kahit papaano (and I stress, kahit papaano), para bang umuunlad na ang 'Pinas. Tila baga nasa rurok na ng kapitalismo ang ating bansa (at magtutuloy na sa yugto ng sosyalismo. Yipee! Choz.). Iyan din ang dahilan kung bakit, nabibighani rin ako sa urban lights ng Makati pagdating ng gabi.

Tulad ng idolo kong si Marx, higit akong nahuhumaling sa ganda ng industriya kaysa ng kabukiran. Mas masarap sa aking mata ang tayog ng gusali kaysa sa tarik ng bundok. Mas masarap sa aking tainga ang kalampag ng bakal kaysa sa kaluskos ng tuyong dahon. (Pero siyempre, minsan naman, hinahanap-hanap ko rin ang panghahalina ng kanayunan.)

Gayumpaman, nagtatapos ang lahat ng pagkahumaling na iyan sa nibel ng materyal na puwersa ng produksyon. Ang paglaganap ng mga ads at billboards ay nananatili pa ring produkto ng mapang-abusong puwersa ng kapitalismo. Puwersang bungsod ng tulak ng tubo. May masagasaan o mabagsakan man ng mga puwersang ito, hindi ito makasasagabal sa patuloy na pag-andar ng mga makina ng kapitalismo. (Pero kung may rebolusyon, ibang usapin na iyan.)

Sa huli, mali pa rin si Sec. Gonzales. Hindi ito usapin ng freedom of speech. Ang lahat ng ito ay bahagi ng lohika ng sistema ng kapitalismo.

Monday, October 02, 2006

Nang Malagas ang mga Patalastas (Part 1)

Sa hambalos ng Bagyong Milenyo, maraming billboards sa Kamaynilaan ang natumba. May isang drayber pa nga na, sa kasawiang palad, nadaganan ng tumumbang billboard sa kanto ng MIA Road at Roxas Blvd. SLN.

Kitams! Ito siguro ang nasambit ni Bayani Fernando matapos ang mga pangyayari. E di ba nga, mga ilang buwan lang ang nakalilipas, naging isyu ang mga billboards na nakatayo katabi ng mga highway. Naging malaking debate ang sinasabing panganib na dala ng mga naglalakihang kalansay na bakal. Ayon kay BF, delikado ang mga ito. Hindi lang dahil sa maaari silang magsibagsakan pagdating ng bagyo, kundi nakakaagaw-pansin ang mga ito. Dahil sa mga ads, mawawala sa pokus ang mga drayber, at boom! Isa na namang aksidente (Ako mismo, e, muntik nang mabangga dati sa flyover sa may Magallanes interchange dahil sa katititig sa isang ga-higanteng billboard ni Aubrey Miles. Anak ng kamote! Sino ba naman ang hindi mawawala sa pokus?!).

Freedom of speech! Ito naman ang komento ng aking paboritong tuta ni GMA, si Raul Gonzales. Bagama't sang-ayon din siya kay BF na delikado ang mga billboards, hindi raw maaaring magpatupad ng ban sa pagpapatayo nito dahil bahagi raw ito ng freedom of speech (Para sa ibang detalye: http://newsinfo.inq7.net/inquirerheadlines/nation/view_article.php?article_id=24075).

Haaay... Wala talagang kupas itong si Gonzales. Nakakalbo na, humihirit pa. Kaya siguro nagpapatawa, kasi kalbo.

Freedom of speech para sa kanya ang mga delikadong billboards pero hindi ang pagpuna sa maling pamamalakad ng pamahalaan. Freedom of speech sa kanya ang mga babaeng halos hubo't hubad na nakapaskil sa lansangan upang magkaroon ng benta ang produktong alak pero hindi ang mga tumatakbo sa Oblation Run upang magkaroon ng badyet para sa edukasyon. Minsan talaga, sarap i-wish na matsambahan itong si Gonzales ng isang gumuguhong billboard. Tapos nakasulat doon sa billboard: GMA Cares.

Pero in all fairness, hindi ako masyadong imbiyerna kay Gonzales sa isyu ng mga billboards. Type ko lang talaga siyang i-bash at chakahin every day. Kasi, for some reason, naaaliw ako sa mga naglalakihang advertisement na naglipana sa buong Metro Manila. Ika nga, may kirot sa aking puso tuwing nakikita ko ang mga ito. At hindi lang iyan dahil kay Aubrey Miles...

(itutuloy)