Sunday, November 26, 2006

Just Follow the Arrow

Pagkagaling sa trabaho, Cubao ang daan ko tuwing pupunta akong Ateneo para sa aking M.A. Pagbaba mula sa bus, lakad ako nang kaunti (mula Farmers’ hanggang Gateway) at sasakay naman ng dyip na babagtas ng Aurora papuntang Katipunan. Naging normal na sa akin ang biyaheng iyan. Pero nitong mga nakalipas na pagkakataong bumiyahe ako ng Cubao, naging kapansin-pansin sa akin ang isang kakatwang sitwasyon.

Sa kanto ng Aurora at Stanford, laging may lalaking nakatayo. Araw-araw, naka-istasyon sa kanyang minarkahang puwesto sa gitna ng ingay at dungis ng Cubao. May karatulang nakasabit sa kanyang leeg – isang higanteng arrow na sinlaki siguro ng isang taong naka-pahalang na posisyon. Unang tingin, halatang isang patalastas ang nasabing karatulang arrow na ito na may striking red color. Nakaturo ang arrow papasok sa makipot na kalsada ng Stanford. At ang nakasulat sa karatula: MARIPOSA. Budget Hotel. 12 Hours for only 400 Pesos.

Kamusta naman ang in-your-face advertising na ‘yon? Para bang sinasabi ng lalaki na, “Dito po ang daan patungong paraiso.” Naalala ko tuloy y’ung mga abangero sa may Pansol, Laguna. Ito yung mga taong may hawak-hawak na maliliit na karatula para madaling makita ng mga biyaherong naghahanap ng resort sa lugar na iyon. Iyon nga lang, wholesome ang kanilang serbisyong iaaalok at ang kanilang ginagamit na strategy. Ibang usapan itong nakita ko sa Cubao.

Iniisip ko nga na baka hinaharang ng mama na may karatula y’ung mga taong naglalakad. Gagaguhin pa siguro niya y’ung mga naglalakad: “Alam kong gusto mong dalhin iyang kasama mo sa motel,” sabay pakita ng malaswang ngiti. Haay…ewan. Talagang nag-evolve na ang “short timeindustry dito sa Maynila. Wala nang pagpapanggap. Direct selling kung direct selling. Kung dati, Avon at Tupperware lang ang may ahente, ngayon pati mga mot-mot na rin.

Para bang paru-parong dadapo sa iyo mula sa kawalan. Iyon nga lang, hindi ito isang paru-parong bukid, kundi mariposang taga-lungsod.

Sunday, November 19, 2006

Masarap Bumiyahe Ngayon

Sana laging may laban si Pacquiao para lagi ring masarap bumiyahe:

1. Para doon sa mga may sasakyan, walang ka-kumpetisyon sa kalye.

2. Para doon sa mga mag-co-commute at/o maglalakad, zero crime-rate po ngayon. Walang holdaper, walang isnatcher. Kaya naman oks na oks ang gumala. ('Yun nga lang, suwerte mo kung may masakyan kang dyip ngayon.)

Idagdag pa diyan ang fact na marami sa mga pulitiko, e, walang ginagawang kabalbalan dahil nakatutok sa laban ni Pacquiao. Y'ung iba nga sa kanila, e, wala sa 'Pinas dahil nagpapakasasa sa Las Vegas. Sana laging may laban si Pacquiao para laging masaya.

Go Manny! Pacman for President!

Sunday, November 12, 2006

"Karelyebo"

Kadalasan, ang tsuper ng dyip ang siyang kumukuha ng bayad ng mga pasahero habang nagmamaneho. Subalit dumarami na ngayon ang mga tsuper na nagsasama ng “karelyebo” sa biyahe. Nakaupo katabi ng tsuper, ang “karelyebo” ang siyang umaasikaso sa pagkuha ng bayad (at madalas ring nagsisilbing barker) habang nakatutok na sa pagmamaneho ang tsuper. Medyo malabo rin ang paggamit ko ng salitang “karelyebo” dahil hindi naman niya yata pinapalitan ang drayber sa pagmamaneho. Pero dahil madalas kasing katabi ng drayber ang kanyang karelyebo, iyang salitang na lang ang aking gagamitin.

Kadalasan rin, lalaking kaibigan ang karelyebong ito. Ganito ang sitwasyon lalo na para sa mga patok na dyip (gaya ng aking inilarawan sa isang nauna nang artikulo hinggil sa mga patok na dyip ). Kung medyo bata pa ang drayber – mga tipong 20-25 years old – madalas na kasing-edad niya ang karelyebo, malamang kabarkada niya. Sa mga ganitong pagkakataon, hindi lang pagkuha ng bayad ang trabaho ng karelyebo kundi operator rin ng sound system ng dyip na halos palaging nagpapatugtog ng malakas na hip-hap na CD.

Minsan naman, lalo na doon sa mga dyip na dumaraan sa Marcos Hi-way sa Marikina, nakapuwesto ang karelyebo sa estribo ng dyip. Imbis na “paharap” ang pag-aabot ng bayad, “patalikod” naman ang nagaganap dito dahil ang karelyebo sa estribo ang siyang kumukuha ng pamasahe.

Pero tila may bago na namang trend sa mga dyip natin ngayon. At iyan ang pagkakaroon ng karelyebo na asawa ng tsuper. Sa totoo lang, matagal na rin iyan. Tulad ng lalaki at kabarkadang karelyebo, nakaupo rin sa tabi ng drayber ang kanyang asawa. Subalit, ang bagong trend na aking tinutukoy e naranasan ko ng dalawang beses kung saan sadyang out-of-this-world ang "drayber-asawang karelyebo set-up": nakaupo ang asawa sa gitna ng dyip, katabi ng mga pasahero. Hindi sa dulo, hindi sa estribo o sa likod ng drayber. Sa gitna mismo ng mahabang upuan ng dyip.

Tantsa ko, ginawang ganito upang masigurong walang pasahero ang mag-a-attempt ng one-two-three (Sa mga di nakaaalam at di gumagawa nito, ang 1-2-3 ang sining ng pagsakay sa dyip o kahit na anong pampasaherong sasakyan nang di nagbabayad. Pero mga katoto, iwasan sana natin itong gawin sapagkat naghihikahos na po ang mga kababayan nating tsuper. Wag naman natin silang pagkaitan ng perang pinaghihirapan nila. Salamat po.). Pero ang nakakatawa sa aking dalawang karanasan ng ganitong set-up, e, parehong (ahem, ahem) horizontally gifted ang karelyebong asawa na aking nakadaupang-palad. Bukod pa riyan, pereho rin silang gumagamit ng arenola para paglagyan ng pera. Bakit ganu'n? Ewan. 'Nlabo.

Pero heto ang malaking tanong: kung horizontally gifted ang mga karelyebong asawa at nakapuwesto sila katabi ng mga pasahero, hindi ba makababawas ‘yan sa kita ng tsuper? Hehe. Napapaisip lang.

Sunday, November 05, 2006

Hindi ka maliligaw sa Metro Manila

(At dahil napunta na sa mga signified at signifier ang usapan sa blog na ito…)

Naalala ko y’ung isang Pugad Baboy na comic strip. Sabi ni Dagul, kapag panahon ng eleksyon, hindi problema ang maligaw sa Metro Manila. Madaling malalaman kung nasaang lupalop ka na ng Maynila dahil sa mga naglipanang poster at iba pang campaign materials sa kalsada. Kung may poster ni Belmonte at Mathay, nasa QC ka. Kung may poster ni Atienza at Lacuna, nasa Maynila ka. Kung may poster ni Hagedorn, pihadong naliligaw ka na.

Pero sa totoo lang, kahit hindi pa sumasapit ang panahon ng kampanya, madali mo pa ring matutukoy kung nasaang lupalop ka na ng Kalakhang Maynila. Tingin ko, alam na ng marami itong sinasabi ko. Heto ang mga halimbawa:

  1. Nasa QC ka kapag nagkalat ang mga poster na merong Serbisyong Bayan; nasa Maynila ka naman kapag puro mayniLA ang nakikita mo.
  2. Kapag may mga letrang E naman ang ilalim ng mga streetlamps na nadadaanan mo, siguradong nasa Pasig ka
  3. Pero kapag mga letrang Y naman ang nakikita mo sa mga waiting shed, wala ka na sa Metro Manila dahil teritoryo na ni Ynares yun – nasa Antipolo ka na brad.

Hindi na kailangang pagdebatehan siguro kung bakit may ganyang pakulo ang mga alkalde at iba pang pulitiko natin dito sa ‘Pinas. Lahat ng iyan, bahagi ng kanilang kampanya para maalala sila ng mga botante pagdating ng halalan. Para madali silang tandaan, gagawa sila ng madali ring tandaan na acronym o codename na kakatawan sa kanila (At iyan na naman, ang usapin ng signified at signifier).

Talagang naging crucial na magkaroon ng mga acronym-codename-chuchu na madaling tandaan ang mga pulitiko para sa eleksyon. Puwede kasing isulat sa balota ang mga ganyang klaseng alyas kaya naman sinasamantala ng ilang pulitiko kahit na wala naman talagang tumatawag sa kanila ng ganun (Tingin mo ba e tinatawag si Belmonte na SB ng kanyang mga kaibigan at kamag-anak dati? Ano iypn nickname niya?). Hindi na usapin ang totoong pagseserbisyo sa bayan, basta madali kang matatandaan at mabilis isulat sa balota.

Lalo na para doon sa mga non-showbiz politicians. Kung ang mga nasa showbiz, malakas ang recall sa mga botante dahil sa kanilang popularidad, tinatapatan naman ng mga trapo ng mga ganyang acronym-codename-chuchu. At ang pinakamalupet na halimbawa niyan ay matatagpuan sa Caloocan courtesy of their bigotilyong mayor. Nagkalat ngayon ang motto nila na “Caloocan: Echiverri good city” or something to that effect. Panalo ka Recom!