Sunday, December 31, 2006

Muli, Trapik

Malaking konsiderasyon talaga ang trapik sa biyahe. Commuter man o motorista, madalas tinatantsa ang oras ng paglabas sa kalsada nang sa gayon, hindi masasabak sa buhul-buhol at ubod ng bagal na trapik. Nakaka-relate ang karamihan ng mga taga-Maynila sa ganyang konsiderasyon.

Ganyan din raw ang konsiderasyon ng administrasyon nang bigla nilang inilipat sa pangangalaga ng US Embassy ang Amerikanong si Daniel Smith na nahatulan sa salang panggagahasa sa pinag-usapang Subic Rape Case. Alas-11 ng gabi ng ika-29 ng Disyembre, sinundo ng DILG si Smith sa Makati City Jail upang ilipat sa Embassy, sang-ayon sa kasunduan ng DFA at ng embahada. Ayon kay DILG Sec. Ronaldo Puno, kinailangang gawin ito nang dis-oras ng gabi upang makaiwas sa trapiko, at para na rin sa seguridad. (Para sa artikulo, tingnan ang inq7.net.) Wala pa raw 30 minutos ang biyahe. Pero kung iniisip ng administrasyong ito na simbilis rin nila matatakasan ang galit ng sambayanan, mag-isip-isip sila ulit.

Ayaw ko nang pag-usapan pa ang legalidad na salimuot ukol sa paglilipat kay Smith. Una, isa talagang bogus na tratado ang VFA kaya kung susundin ito to the letter, talagang talo ang Pilipinas sa mga probisyon. Pangalawa, taliwas man o hindi sa VFA ang ginawang paglilipat kay Smith, gagawin at gagawin pa rin ito ng administrasyon. Wala namang dapat ikagulat sa ginawang paglilipat. As if ngayon lang natin nakita ang pagka-tuta ni Gloria at ng kanyang mga alipores. Iyon nga lang, nakakagago na habang natutulog ang mga tao, sabay salakay naman ang mga kawatan.

Hilig na yata ni Gloria ang sumalakay nang dis-oras ng gabi. Kung ating matatandaan, nahihimbing rin ang mga tao nang biglang i-proklamang presidente ang bruha noong 2004. Kung hindi ba naman talaga Hudas! Sa ginagawa niyang iyan, lalo lang iigting ang galit ng taong-bayan.

Kadalasan, umiiwas tayo sa pagbiyahe nang gabi upang makaiwas sa masasamang-loob. At dapat nga naman. Dahil sa mga ganyang oras, kumikilos ang mga tutang may rabies at mga dambuhalang ulupong ng gobyerno upang maghasik ng kanilang maiitim na balak.

Sunday, December 24, 2006

Ang Pasko ni Agapito Bagumbayan

Noong simula ng taong ito, gumawa ako ng listahan ng ilang lugar na gusto kong puntahan sa taong 2006. At ngayong patapos na ang taon, naalala kong hindi ko na pala naalalang alalahanin at tuparin ang mga planong ito. Pero nitong nakaraang Martes, at least, natupad ang isa. Ang pagpunta sa Divisoria.

Dyusko, elementary pa yata ako noong huling nakapunta ako rito. Kaya nitong mga nagdaang taon, tuwing napupunta ako sa dulong istasyon ng LRT-2 sa Recto, may certain longing ako palagi. Dahil hanggang Rizal Ave. lang naman ang abot ng LRT, lagi na lang akong nangangarap na makita ang "dako paroon" ng Recto kung saan matatagpuan ang Divisoria. At sa wakas, nitong nakaraang Martes, natupad ang aking pangarap.

Para akong bata sa kanyang unang karanasan sa Disneyland o sa Jollibee. Sa loob ng dyip papunta roon, isa akong giraffe na pagkahaba-haba ng leeg habang nagmamasid sa palagid. Pagbaba sa dyip, tahimik lang ako sa paglakad sa bawat sulok ng Divisoria. Gusto kong maramdaman ang lahat. Ang hitsura ng kalsada. Ang mga nagkalat na plastik. Ang limahid ng tao at bangketa. Ang ingay.

Pakshet! Nasesenti ako dahil lang sa Divisoria.

Nakipagsiksikan. Nakiusiyoso. Naki-istambay. At sa pagtatapos ng gabing iyon, ano't natagpuan ko ang aking sariling nagmemeryenda sa ilalim ng rebulto ni Andres Bonifacio, ni Agapito Bagumbayan, ni Maypagasa, habang pinagmamasdan niya ang lugar ng kanyang kamusmusan, ng katapusang hibik, ng isanlibong tabak. Wala mang muwang ang mga tao noon sa Divisoria sa mistulang kabalintunaan ng sitwasyon dahil sa kanilang pagkaaligaga sa Xmas shopping, anu't anupaman, ito pa rin ang Katagalugang nakitaan ng pag-asa ni Gat Andres.

Ito na ang pinakamagandang regalong natanggap ko ngayong Pasko. Maraming salamat sa iyo, mahal ko, sa pagdala mo sa akin doon. At sana sa taong 2007, maging mas masaya pa ang ating paglaboy papunta kung saan-saan (o pagtambay sa bahay na lagi nating ginagawa).

Isang maligaya at mapagpalayang Pasko sa ating lahat!

Saturday, December 16, 2006

Ganyan ang Indak ng mga Bumbilya

Kapag ganitong nalalapit ang pasko, gustong-gusto ko ang lumabas nang gabi. Masarap tingnan ang Kamaynilaang nababalot sa milyun-milyong mumunting ilaw. Masarap padaanin ang kotse sa Makati o sa EDSA nang mga alas-10 ng gabi, at mamangha sa mga gusaling animo'y nakasuot ng makikinang na kwintas at porselas. Masarap magpakalunod sa dagat ng mga teknikolor na bumbilya, habang tumutugtog sa radyo ang kantang, "Kumukuti-kutitap, bumubusi-busilak..." Syet, Pasko na nga...

Kahit na, at the back of my mind, alam kong masayang-masaya ang Meralco sa siguradong pagtaas sa bill ng kuryente ng mga utaw sa Metro...

...

...may sarili na sigurong substation sa Policarpio St. sa Mandaluyong bilang pasasalamat ng mga Lopez sa mga pamilyang nakatira rito.

Sunday, December 10, 2006

Trapik!

Kahapon, naranasan ko na yata ang pinakamatindng pagsubok ng buhay ko. Grabehan lang ang trapik sa Marikina kahapon! Mula Katipunan hanggang Ligaya e inabot ako nang lampas trenta minutos. At ang biyahe mula Ateneo hanggang Metrogreen Village sa Sta. Lucia, Pasig e naging 2 oras. Kamusta naman? (Pero dahil mahal ko naman yung pakay ko sa biyaheng iyon, tanggal naman ang lahat ng pagod ko pagkatapos.)

Di ko alam kung y'ung trapik e dala ba ng xmas rush o ng pagdagsa ng tao papuntang Batasan upang kutusan si de Venecia. Normal naman ang trapik sa mga bahaging iyon ng Maynila, lalo na sa Rosario, pero kakaiba ang naranasan ko kagabi. Mababakas mo sa mukha ng mga pasahero ang pagkainip, ngitngit, at galit. Naisip ko nga, sakaling may nagtangkang magdeklara ng holdap sa dyip na sinasakyan ko noon, mapapatay siya sa gulpi ng mga pasahero dahil sa sobrang pagkabad-trip.

At eto pa. E di sumakay ako ng dyip pagdating ko sa Ligaya para makarating ako sa Rosario, thinking na magiging okey na ang sitwasyon, na sa Marcos Hiway lang ang trapik. Ayun. Mas mabagal pa pala sa Comelec at Post Office ang usad ng trapik sa Ligaya. At kung mamalasin ka nga naman, maya-maya lang, e lumiko y'ung dyip para magpakarga ng gasolina. Potek. Parang gusto ko siyang sakalin mula sa kinauupuan ko. But then again, naisip ko, di ako dapat magalit dahil mas malaking problema naman kung biglang tumirik sa gitna ng daan ang sasakyan dahil nasaid na ang tangke. Okey... Pero matapos kargahan ang dyip at unti-unti nang umaandar ito upang bumalik sa biyahe, sabay may hindi magandang kalampag ng bakal ang narinig mula sa ilalim. Ayun, tumirik na nga.

Haay...Sa sobrang bad trip ko e di ko na pinansin y'ung alok ng tsuper na ibalik ang bayad ng mga pasahero. E kung alam mo nang malayo ang biyahe, simulan mo na ang paglalakad, ngayon din. At iyon nga ang ginawa ko. Buti naman at sa kalagitnaan ng mga punuang dyip, nakatiyempo ako ng isang may puwesto pa - sa estribo.

Moral lesson: wala. Nangyayari talaga iyan, e. Suwertihan na lang kung matsambahan mong naroon ka, or rather, na wala ka roon nang mangyari iyon.

* * *
Mahalagang-mahalaga po: Sa darating na Lunes, magsuot po tayo ng itim at mag-ingay pagsapit ng mga bandang alas-5 ng hapon sa Gate 2.5 ng Ateneo (sa Katipunan po, katapat ng Jollibee). Iprotesta po natin ang ginagawang kahayupan ng iilang mga hinayupak sa ating Kongreso na gustong baguhin ang ating Saligang Batas sa isang kasuklam-suklam na paraan para sa kanilang kasuklam-suklam na interes (at interes ng kanilang kasuklam-suklam na pandak na bosing). Hindi man natin makukutusan sa tunay na buhay si Joe de Venecia, mag-ingay na lang tayo sa abot ng ating makakaya. Isang malakas na hiyaw na aabot hanggang Batasan, na sa sobrang lakas e magpapantay muli ang kanyang mga kilay. 'Yun lang po.

Monday, December 04, 2006

Babala: Pasko na.

Sumisikip na ang mga malls. Dumarami na ang mga nangangaroling sa kalye. At nangangamoy hamon na ang inyong ref. Isa lang ang ibig sabihin niyan: humanda ka na, pasko na!

Hindi lahat ng tao, nagsasaya sa parating na Pasko. Marami nga ang nababahala. Nariyan y'ung may mga tinataguang inaanak. Nariyan y'ung makararanas ng malamig na Pasko. At nariyan din y'ung mga pamilyang wala man lamang kapirasong tinapay na paghahatian sa gitna ng saya ng Noche Buena dahil sa ganid ng lecheng Primera Buena Familia.

Pero sa tulad kong paglalakad ang pangunahing means of transportation (dahil na rin sa pagtitipid para sa Pasko), nakakabahala rin ang Pasko dahil pihadong darami na naman ang dukutan at holdapan sa mga lansangan ng Metro Manila. Idagdag mo pa diyan ang fact na nalalapit na rin ang eleksyon kaya mapapadalas na rin ang holdapan sa mga bangko. Inaykupo!

Kaya heto, nakaisip ako ng ilang istratehiya upang makaiwas sa holdap:

1. Kapag mahaba-haba ang lalakarin, bumili ng isaw, banana-q, pishbol, o kahit na anong pagkaing nakatusok sa istik. Para kung sakaling may lumapit sa iyong di kanais-nais, meron kang instant weapon. May armas ka na, nakakain ka pa.

2. Magpatubo ng bigote. Para sa halip na ikaw ang holdapin, ikaw ang mapagkakamalang holdaper.

3. Wag magmukhang aanga-anga sa kalye, dahil lalo kang makukursunadahan ng holdaper. Pero wag ring masyadong maangas ang mukha dahil baka mapagtripan ka ng mga nag-iinuman sa kanto.

at huli...

4. Kung may hawak na baril ang holdaper, wag nang papalag. Baril yun, e. Wika nga ni Mao, "power comes from the barrel of a gun."

Adbans meri krismas tu ol!