Saturday, January 27, 2007

Isang Taon

Isang taon na tayong magkasamang bumibiyahe. Sana samahan mo ako sa mga susunod pa.

Mahal kita.

Monday, January 22, 2007

Commuting Communities

Marami sa mga kasama ko sa trabaho ang nakatira sa labas ng Metro Manila. Mga sampu siguro sila (Marami na iyon sapagkat wala pa sa singkuwenta ang bilang ng mga guro sa aming faculty room.), at umuuwi pa sila sa Bulacan, Taytay, o sa Laguna. Bilang isang gurong nalalayuan na sa distansya ng Commonwealth mula sa Ortigas, nakagagaan ng loob na malaman iyon.

Isang beses, nakakuwentuhan ko ang isa sa kanila. Nakatira siya sa Bulacan, at araw-araw siyang nag-co-commute papasok at pauwi.

Tinanong ko kung anong oras siya umaalis ng bahay. Sabi niya, alas-5. Alas-4 pa lang daw, gising na siya. Tapos n'un, napunta naman ang usapan sa pag-co-commute. Sa kanyang kuwento, nalaman kong tulad ko, isa rin siyang parokyano ng mga aircon bus na bumabagtas sa Commonwealth. Pero sa kanyang pagkukuwento, nabanggit niya na dahil sa regular niyang pagsakay ng bus ng alas-5, kakilala na niya ang iba pang pasaherong sumasakay rin nang ganung oras. Actually, batay sa kanyang salaysay, halos lahat sila ay magkakakilala.

Tila baga isang komunidad sila: isang komunidad ng mga pasaherong gumigising nang maaga para makasakay nang alas-5 ng umaga sa isang aircon bus na may biyaheng Bulacan papauntang katimugan ng Maynila. Hindi naman sa meron silang pormal na organisasyon at konstitusyon at naghahalal ng mga kapitan at tanod tuwing Mayo. Pero komunidad sila in the sense na nagkakangitian sila tuwing magkikita-kita, at palagay ang loob nila sa pilang ng isa't isa. Komunidad sila in the sense na alam nila kung sino ang mga "bago," "dayo," at "hindi kilala." Sa isang lipunang araw-araw nakaririnig ng mga holdapan sa bus, sino ang hindi magpapasalamat sa ganyang klaseng komunidad?

Dagdag pa ng aking nakakuwentuhang guro, may isang "ka-community" niya na hindi tinatabihan ng mga "dayong pasahero." Paano ba naman, habang nakasakay kasi ang taong ito sa bus, may hawak-hawak siyang malaking kutsilyo. Tindero siya ng karne sa Farmers, kuwento ng kasamang guro. Kaya naman, hindi siya naiilang tumabi sa tindero e dahil sa alam niyang hindi siya masamang tao - hindi katulad ng mga "dayong pasahero." Bukod pa roon, siguradong meron siyang resbak sakaling magkagulo sa loob ng bus.

Hindi ko pa nararansan iyan kahit na regular na akong nag-co-commute, pero nakasisiguro akong marami pang ganyan sa ibang lugar. Marahil, malaking factor ang maagang oras ng kanilang pagkikita-kita bilang isang komunidad. Biruin mo naman, iilan lang ba ang may kayang gumising ng maaga para makaabot sa terminal nang alas-5 ng umaga. E, natutulog pa ako ng mga oras na iyun, e.

Kaya kung para kay Benedict Anderson, ang bayan ay isang "imagined community," mukhang di yata sakop niyan ang komunidad ng mga maagang nag-co-commute.

Tuesday, January 16, 2007

KSP: Komunista sa Pader...

...or Class War on the Wall of a Classy Village. (May alternate title pa kasi trip ko lang.)

Ang pader na tinutukoy ko e yung sa Valle Verde 6. Yung saktong nasa kanto ng Ortigas at C5. Tuwing nadadaan ako roon, hindi ko mapigilang mapangiti. Interesting kasi ang mga nakasulat:

No to NPA!
Joma, terorista!
Komunismo, sagabal sa kaunlaran!

...or something to that effect. Basta, iyon. Anti-communist propaganda.

Nakatutuwa ang mga vandal na iyan on 2 points:
1. Alam naman nating, mas madalas na mga komunista ang nagsusulat sa pader gamit ang signature red color. Mga tipong: Imperyalismo, Ibagsak! o di kaya, Isulong ang Digmang Bayan! Viva CPP-NPA-NDF! Pero bandalismong kontra-komunismo? Medyo di pangkaraniwan ang ganyan, at tila ginagamit pa ang paraan ng kalaban laban sa kanya. O deva? Class war, itetch. And in fairness, hindi pula ang ginamit na kulay ng pintura, at puting pader ang piniling sulatan. Merong organic unity.

2. At ang talagang panalo rito, e yung the fact na sa isang ekslusibong sabdibisyon pa talaga nakabandera ang anti-commie na propagandang ito. Hindi ko sinasabing taga-Valle 6 rin ang "salarin," pero talagang na-ha-higlight (all caps, bold, italicized, at underlined pa) ang irony of it all.

Kung dati e on the offensive ang mga komunista sa ganitong uri ng propaganda, mukhang ang mga naghaharing-uri naman ang nasa opensa. Well...teka, kailan ba nawala sa offensive ang mga naghaharing-uri laban sa masang pinagsasamantalahan?

Pero anu't ano pa man, it's time we saw the writing on the wall. And it says: class war. Charoz.

Sunday, January 07, 2007

Maligong Bagong Taon

Madalas nakikita ang pagdiriwang ng bagong taon sa Pilipinas bilang isang madugong selebrasyon. Sino ba ang hindi nakaaalala sa taunang special edition ng Magandang Gabi Bayan ni Kabayang Noli de Castro na nagtatampok sa mga "biktima" ng Bagong Taon? Mga taong duguan ang kamay at lagas ang mga daliri, dahil sa paputok. Kaya naman marami ang nagsasabing delikado ang pagdiriwang ng Bagong Taon dito sa Pilipinas.

Pero sa totoo lang, kung pagbabasehan lang ang estadistika ng number of fatalities, higit pa yatang mapanganib sa buhay ng tao ang Bagong Taon sa Thailand. Hindi ito yung sa Jan.1. Ang tinutukoy ko e yung kanilang pista ng Songkran, ang tradisyunal na bagong taon ng Thailand. Ipinagdiriwang ito, mga bandang Abril. Kilala ang Songkran dahil sa tradisyon nito ng basaan: literal na nagsasabuyan ng tubig ang mga Thai pagpasok ng bagong taon.

O? Basaan lang pala? Paano naging delikado y'un?

Grabehan naman kasi ang basaang nagaganap. Nasaksihan ko ang Songkran noong pumunta ako sa Thailand noong 2005, at ibang level talaga itong aking nakita. Ang buong siyudad ng Bangkok e puno ng mga taong may hawak-hawak na timba, water gun, at hose habang binabasa nila ang kahit na sino. Kahit hindi nila kakilala. Basta kailangan, lahat mabasa! Kaya nga pati mga kotse binabasa.

Dagdag pa diyan, nagpapahiran din sila ng powder na parang arina. Binabasa nila yung puting powder at ipinapahid sa mukha ng isa't isa. At gayundin, maging mga kotse ay di pinalalagpas. Sa Songkran, biktima ang mga windshield ng puting arina. Ang panganib? Puting arina + tubig + windshield = driver na hindi makita ang daan. Isama mo pa ang factor ng madulas na kalye, siguradong exponential ang pagdami ng mga aksidente sa daan.

Sinong nagsabing delikado ang mga paputok?