Monday, February 25, 2008

Paggunita sa Anibersaryo ng EDSA

Dahil sa anibersaryo ngayon ng unang EDSA people power, nais ko lamang sabihin na...

...ang magkabilang dulo pala ng EDSA ay pawang mga rotonda. Sa hilagang dulo, matatagpuan ang tanyag na rebulto ni Gat Andres Bonifacio. Higit na kilala ang muhong ito sa tawag na Monumento. Sa dulong timog naman ng EDSA, matatagpuan ang isa na namang monumento sa gitna ng isang rotonda. Ito ang higanteng globong bakal na nagsisilbing palatandaan na nasa teritoryo ka ni Henry Sy - nasa MOA ka na brad. At oo, MOA (as in mo-wa) na ang "in" na tawag sa Mall of Asia ngayon (Para bang G4 para sa Glorietta. Para bang Galle - may impit, ha - para sa Robinsons Galleria. Para bang Santalu para sa Sta. Lucia mall.).

Simbolo ng rebolusyonaryong pagkilos ng masa sa hilaga. Simbolo ng kapitalistang pagkamal ng pera naman sa timog. Dalawang rotondang naghihilahan sa magkabilang dulo ng pinakamahalagang kalsada sa Pilipinas. Ito marahil ang temang pinag-iikutan ng kuwento ng buhay ng mga Pilipino.

Ok. Tama na ang over-reading.

Pero ang pinaka-ok pa rin na paraan ng paggunita sa diwa ng EDSA:

Patalsikin si Gloria!!!

Monday, February 04, 2008

Parang nawala ang puwet mo sa ere

Pusta ko, di lang ako ang taga-Maynila na nakararanas at nag-aabang nito. Aminin. Kapag may out of town trip papuntang south (hal. Laguna, Batangas, etc.) at ang daan ay C5, hindi mo ba inaabangan ang mala-rampang bahagi ng kalsada sa may bandang Upper Bicutan? Ito yung parang higanteng hump na madadaanan mo pagkalagpas mo ng Market Market at bago ka makarating sa South Super Hiway kung southbound ka. Ito yung bahagi ng biyahe na inaabangan mo kasi ang sarap sa puwet kapag lumipad na ang kotseng sinasakyan mo na naka-buwelo ng siyento singkuwenta bago dumating sa rampa. Pero mas masarap kung hindi mo inaasahan. Di ka pa umaabot ng Sta. Rosa, nakapag-Enchanted Kingdom ka na.

O, di ba? Inaabangan mo rin yun, e.