Wednesday, May 28, 2008

Fishball

Isang araw iyon na hindi ko malilimutan.

Alas-4 ng hapon. Makulimlim. Katatapos lang ng isang araw sa trabaho. Palabas ako ng gate ng Poveda. Bahagyang nagsikip ang lagusan palabas dahil sa iilang tao na nakabara. May pinanonood sila, at parang ayaw nilang lumapit sa kanilang nakikita.

Napatingin ako sa direksyon ng kanilang mga ulo. Sa driveway na naghihiwalay sa Poveda at Galleria. Bakante ang kalsada. Maliban sa dalawang taong nag-aagawan sa isang kariton ng fishball. Naroon na't nakakalat na pala ang mga paninda sa sementadong daan. Isang lalaki at isang babae at isang kariton ng fishball.

Nanaig ang lalaki at maya-maya, hila-hila na niya ang karitong hila-hila rin ang babae papuntang EDSA kung saan nagkukumpulan na ang mga istambay. Buntis pala ang babaeng may-ari ng kariton. Bulyaw ng mga istambay. "Maawa naman kayo."

Inihatid ng lalaki ang kariton at ang babaeng nakaladkad sa kanyang bosing. Bisor ng MMDA. Ayaw pa ring bumitaw ng buntis sa kariton. May isang tambay na lalaki. Naka-backpack. Binulyawan ng bisor ng MMDA. "Bubunot ka pa, ha. Ang yabang mo!" Sigaw ng bisor na aakmang bubunot rin ng kanyang pistolang nakasukbit nang buong pagmamalaki sa kanyang baywang. Bubunot lang yata ang tambay ng kamera sa kanyang backpack para kunan ang mga pangyayari. Sumisigaw pa rin ang bisor. "Ang yabang mo!" Sabay bunot ng kanyang cellphone para kunan ng litrato ang tambay at para ipagmalaki sa buong mundo na merong kamera ang cellphone niya. "Kung gusto mo ng gulo, tingnan natin." Sabay tutok ng cellphone. Di na nakaimik ang tambay.

Walang nagawa ang mga tsismoso at tambay kundi tumingin at magparinig. "Maawa naman kayo. Buntis y'ung babae." Gusto ko sanang sigawan yung bisor:

Putang ina mo! Ang yabang mo! Palibhasa may baril ka kaya ang lakas mong magyabang! Para namang kaya mong iputok 'yang baril mo sa harap ng napakaraming tao rito. Baka gusto mong kunan rin ako ng litrato nang maipadala mo ang mukha ko sa bosing mong ubod ng kupal. Putang ina mo! Ang yabang mo!

Pero hindi ko nagawa. At hindi rin nabawi ng babaeng buntis ang kanyang kariton ng fishball

Wednesday, May 14, 2008

Don't drink and drugs (ikalawang bahagi)

(pagpapatuloy ng unang bahagi)

Kaya naman, naaliw ako nang mabasa ko ang isang artikulong sinulat ni James Warren, isang batikang historyador. Sa kanyang artikulong, "The Singapore rickshaw pullers: the social organization of a coolie occupation, 1880-1940," pinag-aralan niya ang kasaysayan ng mga rickshaw pullers sa Singapore sa panahon ng unti-unting pag-unlad ng naturang bansa at ng kaalinsabay na pag-usbong ng rickshaw bilang isang popular na mode of transportation sa pagitan ng 1800's at 1900's. Rickshaw y'ung parang karitong sinasakyan ng isa o dalawang tao at hinihila ng isa pa. Parang kalesa pero sa halip na kabayo, e tao ang humihila at tumatakbo. Kumbaga sa konteksto natin, katumbas ng traysikel ang rickshaw. Murang transpo na angkop para sa iilang pasahero at para lamang sa maiigsing biyahe.



Ayon kay Warren, merong four evils na kinalolokohan ang mga "tsuper" o taga-hila ng rickshaw sa Singapore: alkohol, sugal, prostitusyon, at opium.

Opium? D'un ako nalabuan. E 'di ba downer ang opium? Nakahilata ang mga adik nito habang panay ang singhot sa isang mahabang pipa (tulad ng mga adik na makikita sa larawan sa ibaba). Kung isa kang taga-hila ng kariton na may kargang tao, medyo kakaiba na opium ang titirahin mo para makatagal sa biyahe. Kaya nga shabs ang tinitira ng mga drayber ng trak dahil kailangan nilang magising at maging aktibo magdamag. E, paano pa kaya ang mga taga-hila ng rickshaw na hindi nagmamaneho kundi literal na humihila ng mga pasahero gamit ang kanilang sariling brute force? Kung isa kang pasahero ng rickshaw, medyo di yata okey na lango sa opium ang taga-hila.



Pero sa paliwanag ni Warren, instrumento ang opium upang takasan ng taga-hila ang hirap ng kanyang trabaho. Maliit na nga ang kita, bugbog pa sa trabaho, ano pa bang matitira para sa kanila para ibiging mabuhay sa mundo? Idagdag pa rito ang katotohanang halos lahat sa kanila ay mga dayo galing Tsina na nakikipagsapalaran sa Singapore para magkaroon ng magandang kinabukasan. Sa kasamaang palad, pagdating nila sa Singapore at matapos ang maraming araw ng paghihila, matutuklasan din nilang wala namang umaasenso sa paghihila samantalang ang mga may-ari ng rickshaws ang tanging yumayaman.

Para sa isang naghihikahos na "probinsyanong Intsik" sa gitna ng "modernidad" na inaalok ng Singapore (in the form of sex, drugs, gambling and alcohol), mahirap yata ang tumanggi.

Sinangguni:
Warren, James. "The Singapore rickshaw pullers: the social organization of a coolie occupation, 1880-1940" sa James Warren. At the edge of Southeast Asian history. Quezon City: New Day, 1987.
Mga larawan mula sa commons.wikimedia.org.

Don't drink and drugs

Tila baga "open secret," o marahil pa nga, "common knowledge," ang pagsasabing marami sa mga drayber at pahinante ng mga rumaragasang trak ay tumitira ng droga lalo na ng shabu. Siyempre, eksaherado namang sabihin na lahat sila gumagamit nun. Pero dahil na rin sa ginagawa ng ilan, iniisip na ng maraming tao na ganun na ang sitwasyon para sa lahat. At hindi naman mahirap paniwalaan ang ganun. Kung gabi-gabi ka nga naman bumibiyahe ng kilo-kilometro dala-dala ang tone-toneladang kargada sa likod ng isang ten-wheeler, kailangan mo nga talagang magising nang magdamagan. At ano ba ang sure-fire na solusyon? "S" is for siguradong solusyon.

At may mga nakilala na nga akong ganun. Nakainuman ko pa nga ng Matador mga ilang buwan na ang nakalipas. Drayber ng trak. Biyaheng Bikol-Maynila yata. At aminado naman siyang ginagawa niya yun. At ganun din ang dahilan: para hindi makatulog. Medyo nasenglot ako sa inumang iyon kaya nakalimutan ko na ang mga detalye pero ang ganda ng pagkakalarawan niya sa bawat tira niya ng shabs.

Ang lalo pang masama, alam ng employer nila ang kalakaran. At ganito rin ang tingin ng karamihan: na mismong mga may-ari ng trucking o forwarding business ang nagpapatira...teka, pangit pakinggan...na mismong mga may-ari ng trucking o forwarding business ang nag-uutos sa kanilang mga drayber at pahinante na mag-shabu. Doble ang pang-aabuso. May pagsasamantala na nga pagdating sa pagpapasuweldo, meron pang pagsasamantala sa katawan ng drayber...teka, pangit ulit pakinggan. Sa huli, ang kawawang empleyado ang nagmumukhang masama sa tingin ng madla. Drayber = durugista.

Sa ganyang lagay, e...makapag-apply na nga bilang drayber.

(ipagpapatuloy)

Monday, May 05, 2008

Monday is Rest Day

Note to self: Sarado ang parish offices kapag Lunes. Nagpapahinga ang mga taong-simbahan matapos ang isang nakakapagod na araw ng linggo. Medyo wirdo (o astig?) nga lang na hindi nag-a-apply sa mga taong-simbahan ang utos ng Diyos na Linggo ang araw ng pagpapahinga. Inurong nila sa Lunes, sa araw na sinabi ng Maykapal na magkaroon ng liwanag sa sansinukuban.

Sa madaling sabi: Ang pagpapahinga ng isang grupo ng tao ay laging nakatali sa pagpapakapagod ng isa pang grupo ng tao. Kung lahat nga naman ng tao ay sabay-sabay magpapahinga, e, sa "Kaharian ng Diyos" ang punta nating lahat.