Sunday, October 26, 2008

Facelift mo mukha mo (ika-2 bahagi)

(pagpapatuloy)

Metro Guwapo. Ito ang pangalan ng programang ipinatutupad ng MMDA sa kasalukuyan.

Nais ni BF na maging Metro Guwapo ang Metro Manila matapos ipatupad ang kanyang mga kalokohan. Pink fences na naglilimahid na sa dumi. Mga poste ng MRT na pinagagapangan ng damo. Mga bahay na pare-pareho ang kulay. Kung ito ang konsepto ng pagiging guwapo, mabuti pang maging pangit na lang tayo.

Para kasi kay BF, pangit ang kapaligiran ng informal settlers at informal workers. At ang nakikita niyang solusyon e gawin silang guwapo. Hindi ba niya napagtatanto na hindi naman hitsura ng kanilang kapaligiran ang main concern ng mga taong ito kundi ang makaraos sa bawat araw? Hindi ba niya napagtatanto na kaya maaaring babaan ang suweldo ng mga trabahador sa Maynila e dahil sa malapit lang ang kanilang bahay sa lugar ng kanilang trabaho at hindi nila alintana ang iba pang household-related expenses na inaalala ng middle class workers? Hindi ba niya napagtatanto na kung hindi dahil sa low cost of labor at low cost of living dito sa Pilipinas, e kakaunti lang ang mamumuhunan dito? Malamang hindi niya alam yun. Kitid kasi ng utak.

Metro Guwapo. Ito ang pangalan ng programang ipinatutupad ng MMDA sa kasalukuyan.

Metro Guwapo? Baka Metro Gago.

Saturday, October 18, 2008

facelift mo mukha mo

"Urban Facelift" daw.

Makikita mo iyan sa may paanan ng Katipunan flyover. Mga bahay na pare-pareho ang kulay. Mga kulay na napakapamilyar sa mga mata ng isang taga-Maynila. Nagsusumigaw na pink at blue. Nagsusumigaw na "BF was here." Kulang na lang e malaking tarpaulin na may mukha niya.

Tingin ko naman e lahat ng taong may kaunting budhi at pakikipagkapwa, anuman ang relihiyon at nasyonalidad, sinusunod ang golden rule: Huwag gawin sa iba ang ayaw mong gawin sa iyo. Kung sinuman ang nag-iisip na ang ginagawang ito ni BF e nakatutulong sa pag-unlad ng Maynila (o ng buong bansa), e nararapat na balikan ang nasabing ginintuang batas ng tao. Kung mayroon kang bahay, gusto mo bang pipinturahan iyon ng ibang tao (Notwithstanding the pink and blue combination) dahil para daw magmukhang maganda ang hitsura ng lugar? Hindi ito usapin ng "objectivity" ng konsepto ng kagandahan: walang puwang dito ang argumento na, "E, pangit naman talaga ang hitsura ng bahay ng mga iskwater. Yuck, kadiri. Na-tu-turn-off tuloy ang mga tourists at investors." Isa itong simpleng usapin ng kawalan ng kapangyarihan ng mahihirap. Tingin mo ba, magagawa ni BF yan sa mga pangit na bahay na pagmamay-ari ng isang mayayaman at makapangyarihang tao?

E kung bahay kaya ni BF ang pinturahan natin?

(itutuloy)