Monday, January 26, 2009

Pagninilay-nilay ng isang Pamilyang Petty-Burgis, Part 1

Hanggang ngayon, naniniwala ako na ang tanging solusyon sa lumalalang trapik sa Kamaynilaan ay wala sa pagpapagawa ng marami at malalapad pang kalsada, o sa pagpapadisiplina sa mga diumanong bastos sa tsuper, o sa paglalagay ng mas marami pang U-turn slots (Haller???), kundi nasa pagbabawas sa dami ng sasakyan. Dapat magkaroon ng disincentive hindi lang sa pagbili kundi sa mismong pagmamay-ari ng sariling sasakyan. At magagawa ito sa pamamagitan ng pagsasaayos ng pampublikong transportasyon. Pero ang tanong, papayag ba ang sektor na "pinakamaingay" sa lahat: ang "karaniwang" middle class na taga-Maynila?

Isa akong tipikal na peti-burgis na lumaki sa Metro Manila. Hindi ako nangarap na magkaroon ng sariling kotse. Ganito ang aking pananaw siguro dahil nagkaroon lang ang pamilya ko ng kotse noong 13 anyos na ako. Nasanay akong magdyip, at itinuring kong malaking ginhawa ang magtaksi pauwi sa bahay. Kahit sa aking pagtanda, ganang akin, mas okey pa rin ang magkomyut. Pero ngayon na mayroon na akong asawa at anak, at kotseng nagagamit sa pang-araw-araw, napapaisip ako.

Hahayaan ko ba ang aking sanggol na anak na wala pang dalawang buwan at asawang kapapanganak lamang na sumakay ng taksi? Ordinary bus?

O dyip???

Tila baga mayroong sumisigaw sa harap ng mukha ko at nagsasabing: "Sige nga, i-apply mo yang ideal urban plan ek-ek mo sa iyong mag-ina! Tingnan natin kung makatagal ka!" At lalong lumalakas ang mga sigaw habang nasa likod ako ng manibela...

Tuesday, January 20, 2009

Paglalaboy sa Ortigas

Bagamat to the highest level na ang lamig sa umaga nitong mga nagdaang araw, mayroon naman palang magagandang epekto ito. Sa kabila ng katakot-takot na effort para gumising, bumangon, at makaligo sa umaga, nakatutuwa rin yaring hangin mula sa mga ka-yelo-han ng Siberia. Noong Biyernes ng hapon, nagpasya akong maglakad mula Poveda hanggang sa Shangri-la para sa mga kadahilanang hindi ko na ilalantad pa. Nilakad ko ang kahabaan ng ADB Avenue, lumusot sa St. Francis Square, binagtas ang driveway ng Megamall, hanggang sa makarating sa aking pakay. Nilakad ko nang walang kausap, kakuwentuhan, o kasama, kundi ang lamig ng simoy ng hangin. Ay, kay sarap. Gaano ba kadalas mangyari ang ganito? Minsan, madalang, halos hindi nga. Kaya nga hindi dapat pinalalagpas ang mga ganito. Ay...the simple (bourgeois) joys of life.

Kumutan nawa ng rebolusyon ang mga pulubing natakluban ng lamig ng kawalang-katarungan sa lipunan.

Sunday, January 11, 2009

Parking Boys

Dati, hindi ako nagbibigay ng anuman sa mga lalaking napre-presentang magbabantay o tutulong sa pag-atras ng kotse sa parking lot. Bakit ako magbibigay? Una, hindi ko hiningi ang tulong niya. Ikalawa, kaya kong umatras mag-isa mula sa pagkakaparada. At ikatlo, kapag nagbigay ako, nangangahulugang payag ako sa ginagawa nila. Kung magbibigay ako, para kong linimusan ang isang bruskong barako na kaya namang kumayod kung gugustuhin niya. Hindi yata tama iyon.

At kung hindi ako magbibigay sa parking boys, lalong hindi rin sa mga paslit na parking boys. Kaya minsan, sinasabi ko na agad sa batang umaaligid sa kotse na hindi ako magbibigay. Baka mag-effort pa siyang sumenyas sa pag-atras ko tapos "tatakasan" ko rin pala. Worse, baka maatrasan ko pa siya. Iyon ang iniisip ko dati.

Pero ngayon, nagdadalawang-isip ako. Baka hindi naman ganun kasimple. Baka naman may trabaho talaga ang parking boys at ginagawa lamang nila ito pagkatapos ng kanilang "day job" (Bagamat hindi ata angkop gamitin ang kataga, wala na akong maisip na iba pang panghalili.) upang may maidagdag, kahit kaunti, sa kanilang kita. Para bang mga tsuper ng dyip na naghahalinhinan sa pagiging barker sa terminal. Habang nakapila pa ang dyip ni Boy Tusok sa terminal, magbabarker muna siya para kay Boy Iling na papasada na para may kaunting barya, kaysa nga naman matulog lang siya.

Iba namang kaso kapag paslit. Kapag inabutan mo ng barya, baka isipin niyang mas mabuti na'ng maging parking boys kaysa sa mag-aral. Sa eskwela, pagod ka na, wala ka pang baon. Sa kalye, at least, may barya ka. Haay...buhay.

Sunday, January 04, 2009

Maso at Damo



At may bagong logo ang MMDA! Isang logo na punung-puno ng kabalintunaan.

Una, isang malaking puso ang tampok rito. Sa lahat ng bahay na dinemolish, sa lahat ng sidewalk vendor na inagawan ng kabuhayan, sa lahat ng perwisyo sa motorista, nakuha pa nitong maglagay ng puso. Nais lang sigurong bigyang-diin nito ang kawalan ng puso ng MMDA. (At least, naka-Miss Universe sash ang pusong ito.)

Ikalawa, mayroon pang maso at...ano y'un? Damo? Kung hindi ako, nagkakamali, ito ang kadena de amor, ang opisyal na bulaklak ng MMDA. Ito ang baging na pinagagapang nila sa mga poste ng LRT at MRT. Bakit may bulaklak sa maso? Mahinhing katangian ng bulaklak na kaakibat ng mapangwasak na hataw ng maso? Gentleness together with destructiveness? Bakit may maso? Simbolo ng kanilang pagdurog sa dignidad ng mga nasasagasaan nilang tao? Sana sila ang durugin ng ibang masong alam natin kung ano.

At ikatlo, pero hindi naman talagang balintuna, e ang kanilang walang patid na pagyurak sa sining. Tulad na lang ng kanilang MMDA art, patuloy na umaastang masining si BF sa kabila ng halatang kawalan niya ng mata upang makita ang kaibahan ng urbanidad mula sa kagaguhan, ng sining mula sa kakornihan. Talagang papalapit na ang eleksyon. Pakorni na nang pakorni ang mga pulitiko.

Haay...basta, at the end of the day, kung gusto mo talagang ma-bad-trip, isipin mo na lang:

MMDA labs you.